Susan at Coco hindi pinag-uusapan ang pulitika
Mas nagiging malapit na raw sa isa’t isa sina Coco Martin at Susan Roces ngayong magkatrabaho sila sa teleseryeng Ang Probinsyano. Ayon sa aktor ay talagang malapit sa kanyang puso ang Queen of Philippine Movies. “Nakikita ko talaga na para ko siyang lola. May panahon ako sa kanila para kumustahin sila, para makipagkwentuhan sa kanila, alagaan sila sa set. Kasi napaka-thankful ko na nandiyan sila para sa akin para tulungan ako at suportahan,” pahayag ni Coco.
Napababalitang tatakbo sa darating na eleksyon ang anak ni Susan na si Senator Grace Poe-Llamanzares. Humingi na kaya ng tulong si Susan kay Coco upang suportahan sa kampanya ang anak? “Sa totoo lang po, walang halong kasinungalingan, never naming pinag-usapan kung tutulungan ko ba siya o hihingi siya sa akin ng tulong. Kapag nag-uusap po kami ni Tita Susan, about sa personal na buhay, about sa trabaho namin. Alam kong napakataas din po ng respeto niya sa akin eh. Na para tanungin o lapitan, maski siya ‘pag tinanong mo, sasagutin niya lang na ‘Hindi ko alam sa anak ko kung ano’ng plano niya.’ Kasi gano’n ‘yung respeto nila sa isa’t isa,” paliwanag ni Coco.
“Kung ako po ang tatanungin, hindi ko pa rin po masasagot, dahil po may proyekto po kaming ginagawa. Sabi ko nga po, depende po ‘yan kung ano po ‘yung paniniwala ko eh. Mahaba pa po ang panahon, may ilang buwan pa po tayo para makapag-isip po,” dagdag pa niya.
Yen magaling magpatawa ang gustong maging bf
Noong Lunes ay nagsimula na ang teleseryeng All of Me na pinagbibidahan nina JM de Guzman, Albert Martinez, at Yen Santos. Isang malaking karangalan daw para kay Yen na muling magbida sa isang soap opera. Nakapagbida na rin ang aktres sa Pure Love noon. “Sobrang nagpapasalamat ako dahil mula no’ng Pure Love, hindi ako nababakante. Sobrang sarap sa pakiramdam na nagtitiwala po talaga sila sa akin,” nakangiting bungad ni Yen.
Samantala, wala pang kasintahan ngayon ang dalaga at hindi pa raw sumasagi sa kanyang isipan ang pakikipagrelasyon. “Sa ngayon wala pa po akong time. Wala pa po ang isip ko sa relationship. Darating din po ‘yun in God’s time,” giit ni Yen.
Ano ba ang mga katangian ang kanyang hinahanap sa isang lalaki? “Ang gusto ko lang naman sa isang guy siyempre unang-una mabait sa family ko at ‘yung makakasundo ko lang. ‘Yung masaya lang kasama, ‘yung lagi lang akong tumatawa,” sagot ng aktres.
Kamakailan ay napabalitang si Arron Villaflor ang nanliligaw kay Yen dahil madalas na nagpapadala ng bulaklak ang aktor sa dalaga.
- Latest