Mag-amang Piolo at Iñigo walang makuhang ka-date sa Star Magic Ball!
Nakatutuwang tingnan ang mag-amang Piolo Pascual at Iñigo Pascual dahil ramdam na ramdam ang pagmamahal, paghanga, at respeto nila sa isa’t isa. Ang ganda ng eksena na habang nagsasalita si Iñigo kung paano siya nakuhang co-ambassador ng ama sa Sun Life ay nakatingin lang si Piolo. Nang hindi na makapagpigil, nag-dialogue ito ng “ang galing ng anak ko.”
Ang sagot ni Iñigo sa ama ay ang itulak ito at tapikin sa balikat at paulit-ulit ang eksenang ‘yun habang ginagawa ang presscon para sa campaign ng Sun Life na #LiveFreePHMovement. Ito ‘yung tutulungan ng financial advisors ang mga tao para mag-invest for their future through Sun Life.
Sinimulan ang kampanya sa isang concert sa SM City Pampanga last Friday with Piolo and Iñigo performing. Pupunta rin sila sa Visayas (Iloilo) at Mindanao (Davao) at dadalhin ang #LiveFreePHFreedomTour.
Pinasalamatan ni Piolo ang Sun Life dahil naging daan itp para umuwi ng bansa si Iñigo at makapiling na niya.
Nabanggit ni Piolo na through hard work, financially stable na siya at hindi lang para sa sarili ang kanyang naipon dahil ang anak at ang ina ang beneficiaries nito.
Nabanggit nito ang teleserye nila nina Toni Gonzaga, Sam Milby, at Jolina Magdangal at ang indie film nila ni Rhian Ramos na Silong na showing na sa September 16 sa direction ni Jeffrey Hidalgo.
Samantala, dadalo sina Piolo at Iñigo sa 9th Star Magic Ball sa September 12 sa Rizal Ballroom ng Makati Shangri-La Hotel sa Makati City. Pero wala silang ka-date, kaya silang dalawa na lang ang magka-table.
Full trailer ng Felix Manalo ilalabas na
Mapapanood na starting 10 a.m., this Sunday ang full trailer ng Felix Manalo na pinagbibidahan ni Dennis Trillo sa Viva Entertainment YouTube channel. Kung dati ay teaser lang, this time at sa mga susunod na araw hanggang sa showing ng epic movie ay full trailer na ang mapapanood.
Ito ‘yung trailer na ipinag-react ng press dahil ang husay-husay ni Dennis at hindi makikita na siya si Dennis kundi si Felix Manalo na kanyang ginagampanan. Kaya nang makita ng press si Dennis sa presscon ay panay “congratulations” ang paunang bati sa kanya ng mga reporter.
Sa October 7 na ang showing ng Felix Manalo and hopefully, tapos na ang isyu ng INC kay Sec. Leila de Lima para naka-focus ang promo sa movie at hindi iba ang napag-uusapan. Sana rin matuloy ang planong premiere night sa Philippine Arena at imbitahan ang lahat ng cast pati ang guests at nag-cameo.
Sumasabit sa kasikatan nina AlDub parami nang parami
Hala! Wala palang permiso mula sa TAPE, Inc. at Eat Bulaga ang promo campaign ng Cebu Pacific na tinawag nilang #Aldubest seat sale na obvious na nakisakay sa kasikatan ng AlDub loveteam nina Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza).
May AlDub fan ang nakakita sa promo campaign at nag-tweet kay Malou Choa-Fagar ng TAPE, Inc. at tinanong kung may permiso nila ang ginawa ng Cebu Pacific. “No permission from us” ang sagot nito.
Hintayin natin kung ano ang gagawin ng TAPE, Inc. dito at sa iba pang sumasakay sa Aldub fever. Pati ang Toy Kingdom nakisakay na rin mula nang bigyan ng Mickey at Minnie Mouse sina Alden at Yaya Dub at ginamit sa promo nila ang dalawa. May mga couple T-shirts din na for sale gamit ang AlDub at iba pang merchandise.
- Latest