Yeng hindi pa laglag sa The Voice Kids
Maraming fans ni Yeng Constantino ang masisiyahan na malaman na hindi ito mawawala sa pagiging isa sa mga host ng The Voice Kids tulad ng napapabalita. Magpapatuloy ito sa kanyang trabaho sa nasabing paligsahan sa pagkanta ng mga kabataan na nagtala ng 40% record breaking ratings sa mga pinanonood sa TV. Kasama niya rito sina Luis Manzano at Robi Domingo.
Bukod sa mga kasamahan niyang mga host na lalaki, siya lamang ang nag-iisang nakakausap ng mga bata bago sila sumalang sa pagkanta at nag-aalis ng kanilang mga kaba. Katulad ng mga bata, alam ni Yeng ang pinagdaraanan nila dahil dumaan na rin siya sa ganitong sitwasyon nang sumali siya at manalo sa Pinoy Dream Academy (PDA).
Samantala, pasok na sa semi-finals ng The Voice Kids simula ngayong Sabado at Linggo (August 22-23) ang anim na kabataan na pinili nina coach Lea Salonga, Bamboo, at Sarah Geronimo. Maglalaban ang anim at apat lamang sa kanila ang matitira para sa grand finals. Hindi na ang tatlong coaches ang magdedesisyon kung sino sa anim na kabataan ang lulusot sa semi-finals at pupunta ng grand finals. Ang mga manonood na ang magpapasya kung sino ang magwawagi sa anim sa pamamagitan ng text votes.
Ang apat na artist na may pinakamataas na porsyento ng boto ang mananatili. May posibilidad na walang pambato sa grand finals ang isang coach, o kaya naman ay dalawang artist ang kakatawan sa kanyang team, kagaya ng nangyari kay coach Sarah nung Season 1.
Kabilang sa anim na pasok sa semi-finals sina Kyle Echarri at Zephanie Dimaranan ng Team Sarah; Elha Nympha at Sassa Dagdag ng Team Bamboo; at Esang de Torres at Reynan del-anay ng Team Lea.
Birthday party ni Mother Lily pinutakti ng mga pulitiko
Maaari bang tahimik at simple lang ang kaarawan ng isang sikat na prodyuser ng pelikula tulad ni Mother Lily Monteverde? Ito ang atmosphere na gusto sana niyang makuha sa selebrasyon ng kanyang kaarawan nung Miyerkules ng gabi sa piling ng mga kaibigan niya sa entertainment media na ginanap sa magarbo niyang Valencia Events Place, pero hindi ito nasunod.
Sa rami ng entertainment press na nakakaniig lamang niya sa mga presscon ng kanyang pekikula ay halos napuno na ang kalahati sa lugar. Tapos nagsidatingan pa ang mga personal niyang mga kaibigan na showbiz at non-showbiz at mga hinahasa niyang Regal Babies. Sinundan pa ng hindi mapigil na pagdating ng mga pulitiko na tinulungan niya sa kampanya in the past tulad ni Sen. Antonio Trillanes. Dumating din ang grupo ng kakandidato sa pagka-presidente sa 2016 na si Sec. Mar Roxas. Namataan din si QC Mayor Herbert Bautista, si Kuya Germs at ang mga artistang sina Karylle, Carla Abellana, Janella Salvador, at Marlo Mortel. Marami pa ang siguradong dumating, pero, hindi ko na hinintay dahil maaga akong umalis matapos ang napakasarap kong hapunan na trademark na ng mga pagdiriwang ng isa sa pinaka-mamahal na movie producer.
Sarah kailangan pa rin mag-ingat sa Kathniel fans
Si Sarah Carlos ang isa sa mga bagong dumagdag sa “problema” nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa Pangako Sa ‘Yo. Siya ang gaganap bilang Bea Bianca na makikisawsaw kina Daniel at Kathryn. Graduating na sana sa kolehiyo si Sarah, pero ipinagpalit niya ito sa isang matagal nang pangarap na pag-aartista.
Mayro’n itong theater background at nakagawa na ng isang TV commercial nang magpasyang iwan muna ang kanyang pag-aaral para mag-audition sa Pangako Sa ‘Yo. Sa dinami-rami ng mga nag-audition ay siya ang napili na ikinagulat niya.
Birthday niya nung tawagan siya para sa kanyang unang taping. Ang eksena ay sasampalin niya si Daniel na marahil ay nagawa niya ng maganda dahil wala naman siyang narinig na reklamo sa direktor lalo na sa Kathniel fans na nakapanood nito.
It seems okay siya sa kanila, pero ito ‘yung hindi pa nila batid na balak niyang agawin si Daniel kay Kathryn. Ngayong lumabas na ang motibo ni Bea Bianca, gugustuhin pa rin kaya siya ng Kathniel?
Role ni Angeline na-hold muna
Para namang naguluhan ako sa paliwanag ng namumuno ng AdProm ng Dreamscape Entertainment na gumagawa ng remake ng Ang Probinsyano para sa TV hinggil sa hindi pagkakatuloy ni Angeliine Quinto sa serye kaya pinalitan siya ni Maja Salvador. Hindi raw iti-take over ni Maja ang role intended for Angeline. Open pa rin daw ang role na hindi magagawa ng singer, pero maaari niyang balikan kapag libre na siya’t may panahon na.
So bigla na lang nawala ‘yung role ni Angeline? Iniba ba nila?
- Latest