Palabuy-laboy na lang ngayon Bahay, farm, at palengkeng naipundar ng aktres, natunaw sa bisyo
Nauwi sa wala ang lahat ng mga propyedad na naipundar nu’n ng isang magandang aktres na palaging gumaganap bilang leading lady ng mga popular na action star. Walang ibang dapat pagbuntunan ng sisi at panghihinayang kundi ang aktres din.
Bukod sa pag-aartista ay nagnegosyo rin ang magandang aktres, lumago ang kanyang negosyo, pero hinaluan niya ‘yun ng pagbibisyo. Unti-unting gumuho ang lahat ng kanyang mga pangarap nang dahil du’n.
Ang una niyang ibinenta ay ang magarbo niyang bahay sa isang subdivision sa itinuturing na primerang siyudad. Palugi lang niyang ibinenta ang house and lot dahil sa tindi ng kanyang pangangailangan.
Ang sumunod niyang ibinenta ay ang kanyang malawak na farm sa isang probinsiyang hindi kalayuan sa Maynila. Marami siyang alagang baboy, kabayo, kambing, at manok sa naturang farm, nang ibenta niya ‘yun sa hindi tamang presyo na sinungaban agad ng isang businessman ay nakasama sa bentahan pati ang kanyang mga alagang hayop.
Nakapagpatayo rin siya ng isang malaking pamilihan, sa buwanang upa pa lang sa nasabing palengke, dapat sana’y buhay-mayaman na ang magandang aktres. Pero natunaw rin niya ang ari-ariang ipinundar niya.
Ngayon ay nakikita na lang siyang pagala-gala sa kung saan-saan, nandu’n pa rin ang gandang ipinuhunan niya sa pag-aartista, pero hindi na maayos ang kanyang itsura.
“Kanya dati ang property kung saan siya nakikitang palibut-libot ngayon. Ang dami-daming nanghihinayang sa kinahinatnan ng mga properties niya. Natunaw ‘yun nang dahil sa bisyong tinutukan niya,” komento ng isang source.
Ang magandang oportunidad, kapag hindi inalagaan, ay ililipat ng kapalaran sa ibang kamay.
Ubos!
Balot na balot ng kalungkutan!
Balot na balot ng kalungkutan ngayon ang mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez. Ang triplets na pumipintig sa sinapupunan ni Mariel ay nakalulungkot na isa-isa-sunud-sunod na nawala.
Todo na ang kanilang pagkasabik, may mga pangalan na nga ang mga binhing dinadala ng TV host, pero nu’ng Miyerkules nang gabi ay idineklarang nakunan si Mariel.
Para sa tulad nilang mag-asawang may katagalan na ring ikinakasal at naghihintay ng magiging produkto ng kanilang pagmamahalan ay napakasakit ng pangyayaring ito.
Nu’ng unang mawala ang dinadala ni Mariel ay para na siyang pinagsukluban ng langit at lupa sa matinding kalungkutan. Matagal bago siya nakausad mula sa malungkot na kaganapan.
Napakasipag mag-post ni Robin ng mga impormasyon tungkol sa pagdadalantao ni Mariel. Una ay twins, pero naging triplets na, sobra-sobrang kaligayahan ang hatid sa mag-asawa ng maselang pagdadalantao ni misis.
Parang nakikinita na namin ang matinding lungkot ng mag-asawa ngayon, inilaan pa naman nang buung-buo ni Robin ang kanyang panahon at atensiyon sa pagdadalantao ng kanyang misis, pero hindi sila pinalad.
Kunsabagay ay marami pa namang panahong nakalaan para kina Robin at Mariel para magkaroon ng anak. Hindi pa ngayon ang panahon para magkaroon sila ng supling, lahat ng pangyayari ay may takdang panahon ng pagdating, hindi pa katapusan ng mundo para sa mag-asawa.
Kailangan pang mas pagtuunan ng pansin ni Mariel ang pagpapatibay sa kanyang pagdadalantao. Kapag naging maayos na ang lahat ay darating na ang kanilang munting anghel ni Robin.
At baka nga magkasunud-sunod pa.
- Latest