Parang bato ang loob babaeng inanakan at hiniwalayan ng makisig na aktor, hindi nawasak!
Napakabatang nainlab at nagkaanak ng isang nangangarap pa lang na magkapangalan nu’n bilang artista. Hindi niya naiwasan ang kakisigan ng isang sikat na aktor. Pagkatapos niyang makapanganak ay iginarahe na siya nito. Hindi na siya pinag-artista.
Nagbunga ng isang magandang anak na babae ang kanilang relasyon. Pero nu’ng lumalaki na ang bata ay biglang may umeksenang isang sikat na female personality na umagaw sa kanya sa pagmamahal at atensiyon ng sikat na aktor.
Galit na galit ang babae, gusto niyang sugurin ang sikat na aktres, saka pagsabihang “Bakit ka ganyan? Lahat na lang ng meron nang karelasyon, ‘yun ang nagugustuhan mo?
“Bakit hindi ka humanap ng masasabi mong iyo talaga, bakit napakahilig mong maki-triangle? Masaya ka ba kapag may inaagawan ka?” ganu’n sana ang sasabihin niya sa sikat na female personality.
Pero nagdalawang-isip siya, bakit niya gagawin ‘yun, una ay malaking iskandalo ang gagawin niya at ikalawa ay siguradong magkakahiwalay rin naman ang ama ng kanyang anak at ang aktres na hindi panggugulo niya ang magiging dahilan.
Sa halip na magmukmok ay inabala ng babae ang kanyang sarili. Kumanta siya sa isang banda, pumasok siya bilang call center agent, nagbenta siya ng kung anu-anong produkto para lang buhayin ang kanyang magandang anak.
Napakarami nang naganap mula nang iwan siya ng aktor para makisama sa sikat na aktres. Nakapagtapos na ito ngayon, isinumpa niya sa kanyang sarili na hindi magmumukhang kawawa ang kanyang anak.
Payak ang buhay ng babae. Napakasimple. Pero nasa kasimplehang ‘yun ang kanyang kaligayahan. Kung lumaki siyang hindi mapaghanap ay ganu’n din ang itinuro niya sa kanyang anak. Magpasalamat sa biyaya, kainin kung ano ang nasa hapag, dahil milyun-milyon ang nagugutom sa buong mundo.
Kahanga-hangang babae.
Kahit nasa piitan, Sen. Jinggoy may pasabog sa darating na eleksyon
Maaaring ngayon o bukas ay lalabas na ang resulta ng mga pinagdaanang tests ni Senador Jinggoy Estrada sa Cardinal Santos Medical Center. Pinayagan siya ng Sandiganbayan na makapagpaospital para sa kanyang executive check-up.
Hindi nakapagtataka kung marami mang nararamdaman sa katawan ang aktor-pulitiko, hindi simpleng dalhin ang depresyon, pareho lang sila ni Senador Bong Revilla na hanggang ngayo’y umaasang mabibigyan sila ng hustisya.
May mga pagkakataong hindi siya makahinga nang maayos, biglang may pipitik sa kanyang dibdib, matindi ang pag-aalala ni Senador Jinggoy at ng kanyang pamilya na baka naapektuhan na ang kanyang puso sa depresyon at paghihirap na pinagdadaanan niya sa piitan.
Isang taon na sila ngayon ni Senador Bong sa PNP Custodial Center, nakalalabas lang sila sa maliit na bakuran kapag may hearing, malaking bonus na para sa kanila ang pagpayag ng Sandiganbayan sa kanilang hiling kapag kinakailangan nilang lumabas nang kahit ilang oras lang.
“Araw-araw, ganito ang ikot ng maghapon namin. Kapag may mga bisita, medyo masaya kami, pero kapag umalis na, balik na naman kami sa dating lungkot,” kuwento ni Senador Jinggoy.
At habang nasa loob siya ay kailangan pa rin niyang maging responsableng ama sa kanyang mga anak. Sinusubaybayan niya ang mga anak nila ni Precy, ang panganay nilang si Konsehal Janella ang tumatayong magulang kapag pareho silang wala sa bahay, mahigpit itong bantay sa kanyang mga kapatid.
“Mas mahigpit pa si Janella kesa sa amin ng mommy niya. Responsable siya, puwedeng pagbilinan, walang lusot sa kanya sina Jolo at Julian,” natatawa pang sabi ni Senador Jinggoy.
Sa tanong kung magkakaroon siya ng mahalagang partisipasyon sa darating na eleksiyon ay makahulugan ang kanyang sagot, “Siguradong meron.”
- Latest