Female personality sukdulan ang kakuriputan, siyete pesos na tubig nire-reimburse pa!
Marami ang naloloka sa sobrang kakuriputan ng isang pamosong female personality ng telebisyon. Hindi niya naman pinagdadamutan ang kanyang sarili, ang totoo ay very generous pa nga siya pagdating na sa kanyang mga personal na pangangailangan, pero may kuwento sa likod nu’n.
Kunwari, nangibang-bansa siya, todo siyang mag-shopping. Sapatos, damit, accessories, lahat-lahat, binibili niya para magamit sa kanyang mga shows.
“Pero iniipon niya ang mga resibo, hindi niya iwinawala, kailangan niya kasing singilin sa production ang ginastos niya!” pambubuking ng isa niyang katrabaho.
Nu’ng minsang bumiyahe sa isang malamig na bansa ang female TV personality ay male-maletang kagamitan ang kanyang binili. Ninerbiyos ang kanyang mga EP. Magkano na naman kaya ang sisingilin sa kanila ng babaeng personalidad?
“Mismo! Sa kanila nga siningil ni ____(pangalan ng female TV personality na bonggang-bonggang pumorma) ang lahat-lahat ng stuff na pinamili niya abroad.
“Pati kaliit-liitang piraso na tulad ng pin, pinabayaran pa rin sa kanila. Walang libre, lahat ng mga binibili niyang damit para sa mga shows niya, binabadyetan ng production ‘yun!
“Dampot lang siya nang dampot, wala siyang pakialam kung napakalaki na ng babayaran niya, kasi nga, ibinabalik naman sa kanya ng production ang inilalabas niyang pera!” nakataas pa ang kilay na kuwento ng aming source.
Pero ang the height. Minsan ay nag-taping sa isang malayong probinsiya ang female TV personality. Nauhaw siya. Pinababa niya ang kanyang PA sa isang food chain.
“Humawak kayo sa silya n’yo dahil baka bumaligtad kayo! Ang nakatatak sa resibo, seven pesos. Tumpak! Machine validated ‘yun, siyete pesos! Inutusan niya ang PA niya na ipa-reimburse sa production ang pitong pisong ipinang-abono niya sa pagbili ng drinks niya,” lukang-lukang kuwento ng aming impormante.
Haaay, ubos na ubos!
AiAi dapat lang talagang punahin at i-bash!
Sa estado ng career ngayon ni AiAi delas Alas na nagbalik na ang sigla ng medyo lumamlam (o sadyang pinalamlam ng ibang tao?) niyang karera ay wala nang dahilan para bigyan pa niya ng pansin ang mga taong walang magandang magawa sa buhay kaya siya ang pinag-aaksayahan ng panahon.
Una, hindi niya naman kilala nang personal ang mga nangba-bash sa kanya, mahirap makipag-away sa mga duwag. Tama, duwag nga ang eksaktong terminong dapat gamitin para sa mga taong patalikod lang kung lumaban, hindi makalantad.
Ikalawa, kilalang-kilala ng Comedy Concert Queen ang kanyang sarili, sukat na sukat niya ang kagandahan ng kanang puso na hindi nakikita ng mga taong naghahanap ng kamalian sa mga ginagawa niya.
Kung tutuusin, komento nga ng kaibigan naming propesor na tutok na tutok sa likaw ng showbiz, ay merong dapat ipagpasalamat si AiAi sa mga salitang ipinakakain sa kanya ng mga bashers.
“It only shows that she’s really in the center of the stage. Hindi siya nawawala. Pinapansin ba ng mga taong ‘yun ang mga personalities na hindi na sikat? ‘Yun ang pagsasayang ng oras para sa kanila,” positibong pagpuna ng aming kausap.
Pero si AiAi, may sabihin lang siya ay agad nang pagpipistahan ‘yun ng mga taong hindi maligaya sa kanyang tagumpay, agad na siyang puputaktihin at pakakainin ng apdo.
“Because she deserves to be noticed, to be bashed. Sikat kasi siya, she’s worth the time ng mga bumibira sa kanya. Masakit lang tanggapin, but she should take it positively. Kapag sikat, winawasak. Kapag laos, hindi na pinapansin,” dagdag na komento pa ng aming kaibigang propesor.
- Latest