Paalipin na rin Matalinong male personality nagayuma ng lalaki?!
Matalino man daw ang matsing, napaglalalangan din. Ganu’n mismo ang naganap sa buhay ng isang matalinong male personality na sa isang iglap ay nagpatianod sa lahat ng kagustuhan ng isang lalaking ni hindi naman niya alam kung saang lupalop ng mundo nanggaling.
May ipinainom bang kung ano sa kanya ang lalaki? Wala siyang natatandaan. May ipinakain bang kakaiba sa kanya ang lalaki? Wala rin siyang matandaan.
Basta ang natatandaan lang ng matalinong male personality ay naglitanya nang naglitanya sa kanya ng mga istoryang malungkot ang lalaki at walang humpay naman siyang nakinig sa lahat ng mga sinasabi nito.
Ganu’n lang. Pagkatapos ng mga makabagbag-damdaming litanya ng lalaki ay natagpuan na lang ng matalinong male personality ang kanyang sarili na hulog na hulog na sa ilalim ng pagmamahal ng lalaking nu’n lang niya nakita at nakilala.
Para siyang sinusian ng lalaki. Wala siyang ibang paniniwalaan kundi ang malulungkot na karanasan nito. Puro du’n lang dapat sumentro ang kanyang utak.
Tanungan nang tanungan ang mga kaibigan ng male personality, “May ipinainom ba siya sa iyo? May ginawa ba siyang ritwal? Binulungan ka ba ng guy habang nakalagay ang kanang kamay niya sa ulo mo?”
Hindi raw naman. Wala raw ganu’n. Basta nagkuwento lang daw nang nagkuwento ang lalaki at nakinig lang siya nang taimtim sa malulungkot na kuwento nito.
Huli na nang malaman ng matalinong male personality na minaster na pala ng lalaki ang ganu’ng atake. Magpapaawa ito, paniniwalain ang kanyang kaharap na siya na ang sagot sa kanyang mga dasal, at saka magpaparamdam ng kung anu-anong gusto nito.
Natagpuan na lang ng male personality na sunud-sunuran na siya sa kung ano ang gusto ng lalaki. Mamahaling cellphone ba kamo? Mga branded na jacket at pantalon? Lahat ng gusto ng lalaki ay ibinibigay niya na para siyang robot na kung saan ibuton ng lalaki ay sunod lang nang sunod.
Ubos! At malapit na siyang maubos!
Gov. Vilma hindi hayok sa mas mataas na posisyon
Dalawang miyembro ng Liberal Party ang naringgan namin ng pahayag na si Governor Vilma Santos ang gusto nilang maging runningmate ni DILG Secretary Mar Roxas sa darating na halalan.
Nagpasintabi pa nga ang kongresistang tinanong, “Wala akong pagkontra kung si Senadora Grace Poe man ang gusto ng ibang mga kasamahan namin, pero may personal akong gusto, si Governor Vilma Santos.”
Pero matigas ang pagtanggi ng aktres-pulitiko, ang kanyang pokus ay nasa lalawigan pa rin ng Batangas, ang probinsiyang nagregalo sa kanya nang isandaang porsiyento ng tiwala at pagmamahal bilang mayor nu’ng una hanggang sa maging ina na siya ng probinsiya.
Napakasarap nga siguro ng ganu’ng pakiramdam na halos lahat ng partidong maglalaban-laban sa darating na eleksiyon ay kumukuha kay Governor Vilma bilang kandidato.
Kung ambisyosa lang ang Star For All Seasons, kung matakaw lang siya sa posisyon, siguro’y hindi na magdadalawang-salita ang mga pulitikong lumalapit sa kanya para manligaw sa mas mataas na posisyon sa susunod na halalan.
Napakaraming pulitiko d’yan na ipinagsisiksikan ang kanilang mga sarili pero wala namang interes sa kanila ang partido. May mga gumagastos pa nang milyon para lang umingay ang kanilang pangalan pero para lang silang sumisigaw sa ituktok ng bundok na walang nakakapansin sa kanila.
Pero ang isang Vilma Santos, ang Star For All Seasons, habang tumatanggi siya ay para namang mas nanggigigil ang magkabilang partido para makuha ang kanyang serbisyo.
Kung ang mga Vilmanians ang tatanungin ay mas gusto nilang huwag pumagitna sa laban ang kanilang idolo. Ang gusto ng kanyang mga tagahanga ay ang magbigay siya nang sapat na panahon para sa kanyang karera bilang aktres.
Napakaraming magagandang proyekto para sa kanya na hindi niya matanggap dahil sa kawalan niya ng oras. ‘Yun ang hiling ng mga diehard Vilmanians, ang mag-concentrate siya sa pag-arte, tutal naman ay napakalaki na ng napatunayan niya sa mundo ng pulitika.
- Latest