James Yap at GF na si Michela Cazzola may pinagdaraanan?!, DOA na sa ospital
PIK: Successful ang first night ng 2-night concert ng Aegis na Aegis Back in the City na ginanap sa Music Museum kamakalawa ng gabi.
Punung-puno ang venue at doon pa lang ay isinisigaw ng fans nila na dapat ay sa Araneta Coliseum o SM-MOA Arena na ang susunod na concert ng sikat na banda.
Riot din ang isang guest nilang si K Brosas na nakasama na pala ng Aegis nung nagsimula pa lang sila.
Kagabi ang second night ng Aegis concert at sold out na ito. Ang alam namin, manonood ang mag-asawang Dingdong at Marian Dantes na mga lehitimong Aegis fans.
PAK: Nakakaduda ang isang post ni James Yap sa kanyang Intagram account kamakalawa lang na parang statement pero sinulat niya sa Bisaya.
Sabi niya; “Kung ang gugma muabot sa punto nga sakit na, buhii na siya u gang imong kaugalingon ang salbara. Hinumdumi nga makakita pa ka ug laing higugmain pero dili na ka makakita ug laing kaugalingon.”
Sabi niya sa caption ng post na iyun; “Ang mga Bisaya lang ang makasabot ani.”
Bilang Ilonggo, medyo naintindihan ko ang ibig sabihin ng post na iyun ni James.
Sabi nito sa Tagalog; “Kung ang pag-ibig ay umabot sa punto na masakit na, bitawan na siya at ang sarili mo ang iligtas. Isipin na makakakita ka pa ng ibang iibigin pero hindi ka na makakita ng ibang sarili mo.”
Kumalat tuloy ang intrigang nag-break na sila ni Michela Cazzola.
Pero sa huling post naman nila, nasa airport sila na mukhang may biyahe.
Napag-alamang magkasama naman silang umalis patungong Europe. Natsismis pa ngang magpapakasal daw sila roon. Tinext namin si James pero wala pa kaming natatanggap na sagot dito.
BOOM: Sumakabilang buhay na si Jimboy Salazar kahapon ng umaga.
Na-interview pa ng Startalk ang dating miyembro ng That’s Entertainment kamakalawa lang ng hapon at hirap na hirap na itong magsalita.
Nakahiga na lamang ito at halos hindi na nga niya maiangat ang kanyang kamay.
Pero sa interbyung iyun, punung-puno pa ng pag-asa si Jimboy na malagpasan niya itong karamdaman niya at gagaling siya. Kahit nga ang kanyang ina ay positibo ring gagaling ang kanyang anak.
Pero kahapon ng umaga ay nagpadala ng mensahe ang kapatid ng kaibigan ni Jimboy na si Beth Santos para kumpirmahing sumakabilang buhay na nga ang dating singer.
Ayon sa kuwento ng tiyahin ni Jimboy, kinapos daw ito ng paghinga at isinugod sa hospital malapit sa tinitirhan nila sa San Miguel, Bulacan. Pero pagdating ng hospital ay nalagutan na raw ito ng hininga.
As of presstime, wala pa silang update kaugnay sa burol kay Jimboy. Si Kuya Germs ang isa sa unang nakatanggap ng balita at nalungkot din ito sa sinapit ng dati niyang anak-anakan sa That’s Entertainment.
- Latest