Magkapatid naligaw ng landas nang malamang ampon lang
MANILA, Philippines – Sino ang dapat na mas matimbang: ang tunay mong ina, o ang inang nagmahal at nag-alaga sa ‘yo?
Parehong ampon ang magkapatid na sina Cedric Macdon at Joven Santos; mga batang pinamigay ng sariling mga ina dahil sa magkaibang dahilan. Ngunit nakahanap pa rin sila ng tunay na pagmamahal sa piling ni Leonida ‘Manay’ Macdon.
Wala na ang mga anak ni Manay sa buhay niya, malalaki na at may kani-kanila nang mga pamilya. Kaya naman nang ipakiusap sa kanya na ampunin si Cedric, malugod niya itong tinanggap. Para ilayo sa kapahamakan at para mayroon ulit siyang mamahalin at aalagaan.
Hindi nagtagal ay dumating rin sa buhay nila si Joven, apo ni Manay sa anak na si Nora. Kung si Cedric ay tinanggap ni Manay dahil gusto itong patayin ng asawa ng tunay na ina, si Joven naman ay tinanggap niya dahil wala nang maipakain dito ang totoong nanay ng bata.
Kay Manay lumaki ang dalawang bata: sa kaniyang pag-aaruga at pangaral. Mamahalin nina Cedric at Joven ang babaeng inaakalang ina at gagawin nila ang lahat para mapagaan ang buhay nito...hanggang sa malaman nila ang totoo.
Sa pagbalik ng kani-kanilang mga ina, maliligaw ang mga landas ng magkapatid na ampon, subalit hindi mawawalan ng tiwala at pagmamahal si Manay sa kanila.
Magagawa pa bang mabuo ang isang pamilyang nawasak dahil ng katotohanang hindi matanggap?
Itinatampok sina Ruru Madrid, Miguel Tanfelix, at Ms. Celia Rodriguez. Kasama rin sina Patricia Ysmael at Ina Feleo.
Mula sa direksyon ni Maryo J. Delos Reyes, alamin ang kanilang kuwento ngayong Biyernes Santo (April 3) sa Magpakailanman, 7:30PM sa GMA.
- Latest