Birthday ng aktor box office Matteo naiyak nang kantahan ni Sarah
May talent sa drawing si Sarah Geronimo dahil siya ang gumuhit ng larawan ng kanyang boyfriend na si Matteo Guidicelli sa imbitasyon na ipinamudmod nila.
Hindi na talaga itinatago nina Sarah at Matteo ang kanilang relasyon.
Matunog na “Mahal” ang tawagan nila sa isa’t isa. Ang sabi ng source ko, napaluha si Matteo nang kantahan ito ni Sarah sa kanyang 25th birthday party noong Huwebes.
Ang pamilya at malalapit na kaibigan ang mga imbitado sa birthday celebration ni Matteo. Siyempre, si Sarah ang special guest niya.
Chef Boy Logro bagong ambassador ng TESDA
Siguradong mami-miss si Secretary Joel Villanueva sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil hanggang October 2015 na lamang ang kanyang panunungkulan.
Si Papa Joel ang Director General ng TESDA at marami ang mga project na nasimulan at naipatupad niya mula nang ma-appoint siya sa nasabing puwesto.
Personal kami na magkakilala ni Papa Joel na napakadali na lapitan at hingan ng tulong.
Kabilang siya sa mga cabinet member ni P-Noy na down-to-earth at walang kayabang-yabang sa katawan.
Madalas na nakakasalamuha si Papa Joel ng entertainment press na bilib na bilib sa husay niya bilang barista.
Mahilig gumawa ng kape si Papa Joel at natutunan nito ang pagiging barista dahil isa ito sa mga itinuturo sa TESDA.
Puwedeng-puwede nang magtayo ng coffee shop si Papa Joel dahil expert na siya sa pagtitimpla ng iba’t ibang klase ng mga kape.
Si Papa Joel ang pumili kay Chef Boy Logro para maging ambassador ng TESDA. Generous si Chef Boy sa pagtuturo sa lahat ng mga kaalaman niya sa pagluluto.
Nasubok ang galing ng dalawa sa showdown nila noong Martes sa Antipolo City na dinaluhan ni Mayor Junjun Ynares, ang mister ni Andeng Bautista-Ynares.
Parehong winner sina Papa Joel at Chef Boy dahil masigabong palakpakan ang kanilang natanggap mula sa mga residente ng Antipolo City na saludo sa pagluluto at paggawa nila ng kape.
Naengganyo si Papa Joel na mag-aral na magluto nang masaksihan niya ang husay ni Chef Boy na world class ang cooking skills.
Main hall ng MTRCB ipinangalan kay Liezl
Ginunita kahapon ng mga nagmamahal kay Liezl Martinez ang kanyang 48th birth anniversary.
Bago pa ipinangalan kay Liezl ang main hall ng MTRCB office, binigyan na siya ni Gladys Reyes ng tribute sa MOMents.
Ang MOMents ang show ni Gladys na napapanood sa Net25.
Matalik na magkaibigan sina Gladys at Liezl. Nabuo ang kanilang friendship nang ma-appoint sila bilang mga member ng MTRCB.
Ipinagluluksa ni Gladys ang pagpanaw ni Liezl noong March 14 at kahapon, hindi niya nakaligtaan ang kaarawan ng kanyang kaibigan.
Tumulong si Gladys sa decoration ng Liezl Martinez Hall para sa dedication ceremony na dinaluhan ng MTRCB members at ng pamilya ni Liezl.
Kumpleto sa dedication ceremony ang asawa at mga anak ni Liezl. Naroroon din ang kanyang ama na si Romeo Vasquez na babalik na sa Amerika sa Martes.
Wala si Amalia Fuentes sa dedication ceremony pero tiyak na hindi niya nakalimutan ang kaarawan ng kanyang unica hija.
Kung ginunita kahapon ang kaarawan ni Liezl, ipinagdiwang naman ni Amalia ang pagiging ina.
- Latest