Geoff at Max magsasama sa HK sa Holy Week?!
Kung ang ibang artista ay sa beach o sa ibang lugar ang hantungan ngayong Holy Week, ang isa sa mga bida ng afternoon drama series na Kailan Ba Tama Ang Mali? na si Geoff Eigenmann ay sa Hongkong mababakasyon. Makakasama ng Kapuso leading man ang kanyang pamilya – ang mommy niyang si Direk Gina Alajar at ang kanyang kapatid na si Ryan Eigenmann, kasama ang asawa’t mga anak nito.
Pagkakataon na nila ito para makapagpahinga at mag-bonding dahil busy sila sa kani-kanilang trabaho. Halos araw-araw nagti-taping si Geoff ng KBTAM, si Ryan ng The Half Sisters, si Direk Gina naman ay sa Yagit.
Hindi ba’t plano rin ni Max Collins na magpunta sa Hong Kong ngayong Holy Week? Nag-usap kaya ang dalawa na magkikita sila doon?
Nagbabayad ng utang na loob
Suwerte rin naman ni Randy Santiago na nu’ng panahong mabango ang career niya ay nabigyan niya ng break ang isang nagsisimulang si Willie Revillame sa programa niyang Lunch Date na umeere noon sa GMA.
Ngayong nagkapalit ang kanilang sitwasyon at si Willie naman ang magkakaroon ng programa sa GMA samantalang walang pirmihang trabaho si Randy at padirek-direk lamang ng mga shows at pelikula kung may pagkakataon, kinuha siya ni Willie para mag-direk ng Wowowin na nakatakda nang mapanood sa Kapuso Network.
Kapalaran ni Ara namana ng anak
Kuwento ng mag-inang kapwa single mothers ang ibabahagi ng Maalaala Mo Kaya (MMK) ng ABS-CBN bukas ng gabi. Bibida sa family drama episode sina Ara Mina at Sofia Andres.
Sa hangaring maibigay ang lahat ng pangangailangan ng kanyang anak na si Joy (Sofia), napilitang mangibang-bayan ang single mother na si Bheng (Ara). Sa kanyang pag-alis, naiwan si Joy sa pangangalaga ng kanyang lolo at lola. Ngunit dahil sa kakulangan ng personal na paggabay ng nakatatanda, maagang nabuntis si Joy ng kanyang boyfriend na kalaunan ay inabandona siya at ang kanilang anak.
Gaano kasakit para sa isang ina na matuklasan na ang minamahal niyang anak ay dinaranas ang kaparehong kapalaran na pagiging isang single mother? Ano ang kayang gawin ng isang anak upang maitama ang kanyang pagkakamali?
Bahagi rin ng MMK episode sina Liz Alindogan, Bea Saw, Alyanna Angeles, Pen Medina, at Julian Estrada. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Garry Fernando at panulat nina Jimuel Dela Cruz at Arah Jell Badayos.
- Latest