Hindi kinaya ang sakit kahit matatag sikat na aktor bumigay, umatungal sa problema nang pangwawasak ng dating karelasyon
Bihirang-bihirang makita ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan na umiiyak ang isang sikat na male personality. Matatag siya, malakas ang loob, markado ang iilang sitwasyon kung saan bumigay ang aktor.
Bukod du’n ay wala na silang matandaang pagkakataon na lumuha siya, hanggang sa pelikula na lang siya umiiyak, dahil kailangan ‘yun sa mga eksenang pinagbibidahan niya.
Pero ang matibay na kalooban ng pamosong aktor ay nasaksihan ng kanyang mga kaibigan kamakailan lang. Hindi na nakapagpigil ang aktor, pinabayaan naman siyang maglabas ng saloobin ng kanyang mga kaibigan, makaluluwag sa kanyang dibdib ang pagluha.
Maraming binalikang pangyayari ang mga kaibigan ng sikat na aktor, ang dami-dami nang nangyari sa kanyang personal na buhay na dapat ay hinagulgulan niya, pero nanatiling matatag ang aktor.
Kuwento ng isa niyang kaibigan, “Hindi kasi niya akalain na mismong tao pa palang minahal niya ang wawasak sa pagkatao niya.”
Kuwento ng mga kaibigan ng aktor ay nahimasmasan siya pagkatapos umiyak. Nakahinga siya nang maluwag, ayaw raw kasing abalahin ng aktor ang kanyang mga kapatid, kaya sinosolo lang niya ang lahat ng mga paghamong pinagdadaanan niya ngayon.
Palagi siyang iniimbitahang lumabas ng kanyang mga kaibigan, naglalaro sila ng basketball, du’n man lang ay nalilibang siya ng mga taong nagmamalasakit sa kanya.
“Malayo naman kasi sa image niya ang ibinibintang sa kanya. Hindi siya santo, pero lalong hindi naman monster!” madiin pang pagtatanggol sa sikat na aktor ng isa niyang kaibigan.
Ubos!
Liezl hindi pinatatahimik ng pamilya!
Kumaway na ng pamamaalam ang kanyang pamilya, mga kaibigan at katrabaho kay Liezl Sumilang Martinez pero habang nasa kabilang buhay na siya ay hindi pa rin siguro matatahimik ang kanyang kaluluwa.
Ayon pa sa mga mapagmasid, kapag ganyan daw na magulo ang sitwasyon ng mga iniwan niyang mahal sa buhay ay madalas siyang magpaparamdam, pagmumulto ang tawag du’n ng mga nakararami.
Kung kailan naman kasi wala na si Liezl ay saka pa lumutang ang matinding kaguluhan sa kanyang pamilya. Nagpapatambisan sa social media ang panganay niyang anak na si Alyanna at ang kanyang inang si Amalia Fuentes hanggang sa mauwi na ‘yun sa matinding sumbatan.
May dalawang milyong pisong ipinababalik ang beteranang aktres sa kanyang apo, tutal daw naman ay hindi nila ito binigyan ng pagpapahalaga sa eulogy at cremation ni Liezl, ibalik na lang daw nila ang halagang ibinigay nito nu’ng nakaospital pa ang pumanaw na aktres.
Pati ang pagkapanganak kay Alyanna ay isinumbat din ni Ms. Amalia, ito raw ang nagbayad nang apat na libong dolyar sa ospital, gigil na gigil ang lola sa kanyang apo.
Si Ms. Amalia Fuentes pa naman, kapag nagsimula na itong magsalita ay mistulang gripong nakasagad ang pagkabukas ang kanyang mga litanya, ayon sa aming mga kausap ay biling-baligtad daw siguro ngayon si Liezl sa kanyang himlayan dahil sa gulong kinasasangkutan ng kanyang pamilya.
Ito na nga siguro ang pinakamahabang kasaysayan ng away-showbiz. Tinangkang ayusin ni Liezl ang kanyang pamilya, pero namatay siyang bigo, walang nangyari sa kanyang hiling.
- Latest