Jinkee magtatagal sa Amerika para ayusin ang bagong biling bahay ni Manny
Magkakasama na sa Los Angeles, California ang buong pamilya ni Congressman Manny Pacquiao. Umalis sa Maynila si Jinkee Pacquiao at ang kanilang mga anak noong Biyernes at dumating sila sa Los Angeles noong Sabado.
Nasa loob na si Jinkee sa Mabuhay Lounge ng Philippine Airlines nang dumating sa Centennial Terminal ang crew ng Startalk. Hindi nagdalawang-isip si Jinkee na lumabas ng airport para mainterbyu kaya taos-puso ang pasasalamat sa kanya ng Startalk.
Excited na si Jinkee na makita ang bahay sa Beverly Hills na binili ni Papa Manny. Ito ang bahay na tinirhan noon ni Jennifer Lopez. Matatagalan sa Los Angeles si Jinkee at ang kanyang mga anak dahil susuportahan nila ang laban ni Papa Manny kay Floyd Mayweather Jr. sa May 2. Aayusin din ni Jinkee ang bagong bili na bahay sa Beverly Hills. Titingnan niya kung may mga dapat na ipaayos at mga gamit na kailangan na bilhin. Ayon sa mga news report, minadali ni Papa Manny ang pagbili sa bahay para matirhan ito ng kanyang pamilya habang naghahanda siya sa laban nila ni Mayweather.
‘Shangri-La nakaka-stress’
Na-stress ako kahapon dahil sa problema na ibinigay sa akin ng staff ng Edsa Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City. Hiyang-hiya ako sa mga bisita ko mula sa Amerika na naka-check in sa Edsa Shangri-La hotel dahil ayaw silang ihatid sa domestic airport hanggang hindi raw nila nababayaran ang sasakyan ng hotel na sumundo sa kanila nang dumating sila mula sa US noong March 19. Paano nangyari ‘yon, eh February 10 pa lang, binayaran ko na ang lahat ng transportation expenses ng mga bisita ko? Hindi ko na ikukuwento ang buong detalye dahil sapat nang napatunayan ko ang incompetence ng staff ng Edsa Shangri-La hotel na naturingan pa naman na paborito ko kaya doon palagi naka-book ang mga bisita ko mula sa ibang bansa.
Hindi nalalayo sa naging problema ko sa Mactan Shangri-La hotel ang karanasan ko kahapon sa staff ng Edsa Shangri-La hotel.
Sobrang stress talaga ang naramdaman ko kahapon. Para na akong si Melissa Mendez na dumanas din ng stress noong Biyernes.
Iba pang saksi sa scandal ni Melissa hinihintay nang magsalita
Dumating ang problema na ibinigay ng staff ng Edsa Shangri-La hotel habang nasa gitna ako ng awa kay Melissa dahil sa embarrassing experience niya sa eroplano ng Cebu Pacific. Napakasakit sa kalooban ni Melissa na ibinalik sa NAIA ang eroplano para iligwak siya.
May lumabas pa na video na parang nagsisigawan sa tuwa ang mga pasahero dahil sa pasya ng piloto na pababain mula sa eroplano si Melissa.
Hindi kataka-taka na magkaroon ng sleepless nights si Melissa dahil napanood sa buong mundo ang video na nagbigay sa kanya ng malaking kahihiyan.
Iba ang kuwento ni Melissa sa pahayag ni Rey Pamaran, ang mhin na sinampal niya dahil sinabihan siya na mabaho ang kanyang hininga. Dapat nang magsalita ang ibang mga pasahero na nakasaksi sa buong pangyayari para malaman na ng publiko ang tunay na pangyayari.
In fairness kay Melissa, nag-sorry na siya sa lahat ng mga pasahero na naabala at sa mga flight attendant ng Cebu Pacific.
Pinabulaanan ni Melissa na may mga sinaktan siya na flight attendant. Mainam din na magsalita na ang mga flight attendant para malinawan na ang isyu.
- Latest