Julia tumanggi munang makipaghalikan
Tama lang ang desisyon ni Julia Barretto na huwag munang gumanap sa mature scenes kahit na 18 years old na siya. Mga kabataan ang mga nanonood at sumusubaybay sa kanya kaya wala munang daring scenes. Hindi pa raw siya handa. Idadaan na lamang niya sa pag-atake ng kanyang role ang anumang kinakailangan para maitawid niya ang kanyang character sa bago niyang teleserye na nagtatambal sa kanila ni Iñigo Pascual. Wise decision, girl.
Nora dapat pairalin ang Delicadeza
Pinaka-hihintay pa rin ang reaksyon ni Kris Aquino sa ginawang pagsama ni Nora Aunor sa grupong Migrante na hinihingi ang resignation ni P-Noy bilang pangulo ng Pilipinas. Kung hinihintay nila na bawiin ni Kris ang pangakong pamamasahihan ang Superstar para sa pagpapaopera nito sa US, baka hindi ito mangyari. Kahiyaan na ito at mas mapupulaan si Kris kung tatalikdan niya ang ipinangako kay Nora. Kung may dapat na ma-react dito ay si Nora. Dapat ay huwag na niyang tanggapin ang tulong ng presidential sister. Alam naman siguro niya na nung sumapi siya sa grupong nagpapababa sa presidenteng kapatid ni Kris ay hindi na matutuloy ang pagpapaopera niya sa America. It was the price she has to pay.
Mga anak ni Ruffa kumikita na rin
Kung dati ay ang mga anak ni Ruffa Gutierrez na sina Lorin at Venice Bektas ang dahilan ng matinding pagpapagod ng dating Miss World Princess dahil gusto niyang masiguro ang kinabukasan nila, maaari na siyang maging masaya dahil nagsisimula nang kumita ang kanyang mga anak para sa kanilang mga sarili. Itago lamang niya ang kita ng mga ito at balang araw ay magugulat na lamang siya dahil may malaking pera na ang mga bata.
Pero walang balak si Ruffa na ipamahala sa dalawang bata lamang ang kanilang kinabukasan. Bagaman at talaga namang itatago niya ang kinikita ng mga ito at ang kinikita na lamang niya ang gagamitin nilang pang-tawid buhay, hindi mapapabayaan ng dalawa ang kanilang pag-aaral at ang trabaho ay magagawa nila sa mga panahong hindi sila abala sa iskwela.
Sa ngayon, enjoy sina Lorin na may gulang na 11 at Venice, 10 taong gulang na parehong nag-aaral sa British School of Manila na makasamang muli ang fashion guru na si Rajo Laurel sa pagdidisenyo ng mga kasuotang pambata na ang dalawa mismo ang magsisilbing modelo. Ang Love Collection na sinimulan nila nung 2012 ay magkakaroon ng part 2 sa pamamagitan ng isang bonggang fashion show at VIP party ngayong araw na ito sa The Events Place, Century City Mall, Makati, at mabibili simula March 23 sa House of Laurel, sa Makati at sa Rajo Boutique sa Rockwell.
Kuwento ng isang dakilang fan
Tunghayan sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong ng gabi (Marso 21) ang life story ng isang masugid na tagahanga na si Francis (gagampanan ni Francis Magundayao) na unti-unting nagbago ang buhay dahil sa labis na pagkahumaling sa kanyang iniidolong artista.
Paano humantong sa adiksyon at labis na pagsisinungaling ang simpleng pagkaaliw ng isang TV fan? May pagkakataon pa bang mabago ang buhay ng isang taong nilaan na ang buong panahon para sa kanyang idolo?
Bahagi rin sina Angel Aquino, Juan Rodrigo, Devon Seron, at Joseph Bitangcol, Kiray Celis. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Raz de la Torre at panulat ni Benson Logronio.
- Latest