Pamosong female personality pilit pinababagsak ng mga dating ‘pinagsilbihan’
Masamang-masama ang loob ng isang pamosong female personality sa mga taong dati’y kabungguang-siko niya at kasa-kasama sa ginhawa at tagumpay. Iba na kasi ang sitwasyon ngayon dahil ang mga taong ‘yun pa ang nanggigipit sa kanya.
Ayon pa sa mga kaibigan-tagasuporta ng aktres ay angkop na angkop sa kanyang pinagdaraanan ngayon ang kasabihan na wala talagang permanenteng kaibigan at kaaway sa showbiz kundi permanenteng interes lang.
Daang milyong piso kung tutuusin ang naiakyat ng babaeng personalidad sa kaban ng yaman ng istasyong pinagtrabahuhan niya. Pinilahan sa takilya ang kanyang mga pelikula at matataas ang ratings ng mga programang siya ang nagbibida.
Pero nang maramdaman kuno ng network ang plano niyang paglipat ng bakuran ay nagsimula nang maglabasan ang kung anu-anong kuwento ng paninira sa kanya. Meron nang mga pangalang nakatatak ngayon sa utak ng female personality, alam na niya kung sinu-sino ang mga taong nanglalaglag sa kanya, ‘yun din ang mga personalidad na nakasalo niya nu’n sa halakhakan at tagumpay.
Kuwento ng aming source, “May karapatang magtampo o magalit si ____(pangalan ng pamosong babaeng personalidad) sa mga taong bumebengga sa kanya ngayon. Ang iigsi naman kasi ng memorya ng mga taong ‘yun!
“’Yan pa ba naman ang igaganti nila sa daang milyong halagang naiakyat niya sa production dahil sa series ng mga successful projects niya? Napakasakit naman talaga nu’n!” kuwento ng aming impormante.
Ayaw nang ma-stress ng female personality, sawang-sawa na siya sa mga kuwentong imbento lang naman ng mga taong kumakalaban sa kanya ngayon, kaya takdang panahon na lang ang kanyang hinihintay.
Ubos!
Paglabas ni Sen. Jinggoy para sa graduation ni Julian ginawang big deal
Binigyan ng pagpapahalaga ng Sandiganbayan ang hiling ni Senador Jinggoy Estrada na sana’y masaksihan niya ang pagtatapos sa high school ng kanyang anak na si Julian Ejercito.
Ilang oras lang ang ibinigay sa nakapiit na senador, tatlong oras lang, pero sa kabila nu’n ay ipinagpapasalamat na rin nina Senador Jinggoy at Precy Ejercito ang pagpayag ng korte na makadalo silang magkakasama sa pagtatapos ng kanilang ikatlong anak.
Dahil du’n ay nagsimula na namang kumawag ang dila ng mga kumokontra sa senador, kung puwede raw palang mangyari ang ganu’n, ‘di dapat ay payagan na rin ang lahat ng Pilipinong nakapiit na gusto ring makasama ang kanilang mga anak sa graduation ng mga ito?
Ayon sa mga abogadong nakausap namin ay puwedeng mangyari ‘yun, mag-file din ng motion ang mga ito tungkol sa kanilang kagustuhang makasama ang kanilang mga anak sa pagtatapos, ang batas naman ay dinisenyo para sa lahat at hindi para sa iilan lamang.
Minsan lang namang magtatapos si Julian, hindi naman ‘yun nangyayari sa araw-araw, kaya hiniling ni Senador Jinggoy na masaksihan niya ang graduation nito bilang suporta at pagpapakita ng pagmamahal sa kanyang anak.
Kung matatandaan, gaano man kaabala nu’n si Pangulong-Mayor Joseph Estrada ay naglalaan ito ng sapat na panahon para makasama ang kanyang mga anak sa graduation, markado ang araw ng pagtatapos dahil patunay ‘yun na nalagpasan ng anak ang ilang taong paghamon sa edukasyon.
Tapos na sa kolehiyo si Janella na konsehal na ngayon sa San Juan, nasa college pa si Jolo, magtatapos na sa high school si Julian at nasa elementarya pa ang bibong si Jill.
- Latest