Julia at Iñigo binigyan na ng sariling serye!
Nagkaroon ng story conference at media announcement kahapon ang ABS-CBN at Dreamscape (na pinamumunuan ni Deo Endrinal) sa pinakabago nilang teleserye na And I Love You So (My Stepsister) na pagbibidahan nina Julia Barretto, Miles Ocampo at Iñigo Pascual.
Kasama rin sa nasabing teleserye sina Angel Aquino, Raymond Bagatsing (na pinalitan si Cong. Alfred Vargas dahil ayon sa manager nilang si Lolit Solis, may conflict sa schedules ang alaga niyang actor/politician), Dimples Romana, Dante Rivero, Bing Loyzaga, Luke Jickain, at ang nagbabalik-Kapamilya network na si Jay Manalo.
Sa title pa lang, obvious na parehong bida sa teleseryeng ‘yon sina Julia at Miles.
Annabelle aktibo na uli sa mga alaga
Nasa And I Love You So (My Stepsister) story conference at media announcement si Annabelle Rama dahil siya ang manager ni Jay.
Sabi ni Bisaya, abala na naman siya sa kaliwa’t kanang meetings para may proyekto ang kanyang mga talent.
Wala raw katotohanan na hindi na siya active sa pagma-manage ng talents dahil reality TV star na siya sa It Takes Gutz to be a Gutierrez ng kanilang pamilya na mapapanood pa rin sa E! Asia na malapit na ang third season.
“Time management lang naman ‘yan, kahit may taping ako, ako pa rin ang personal na namamahala sa talents ko. Ako pa rin ang nakikipag-usap para sa projects nila,” pahayag ni Bisaya.
Samantala, hindi na nagulat si Bisaya na si Ruffa Gutierrez mismo ang nagbuking sa Cosmo Skin event sa SM MOA ng tungkol sa naging away na naman nilang mag-ina.
Alam ni Bisaya na idadaldal ‘yon ni Ruffa sa entertainment press dahil bati na nga silang dalawa.
Noong panahon na may “word war” ang mag-ina, tahimik lang si Ruffa at walang sinabihan na may away sila ni Bisaya.
Arnell ayaw iasa ang buhay sa showbiz
Ayaw ng comedian/TV host na si Arnell Ignacio na sa showbiz lang umasa pagdating sa pangkabuhayan.
Kahit may show naman siya sa TV5, panay pa rin ang kayod niya dahil hindi pa natitinag ang Creative Hair System Institution niya sa may Greenhills. Wigs na gawa sa human hair ang ginagawa nila at meron din siyang stall na nagbebenta ng siomai.
May build and sell business din siya na ang unang bahay na ginawa ng kanyang kompanya ay matatapos na sa may Greenwoods. Ibinebenta niya ito ng 12 million pesos.
Isa nga pala si Arnell sa mga bading na nag-asawa, pero nauwi sa hiwalayan ang relasyon. Biniyayaan sila ng isang anak na babae.
Dalaga na raw si Sofia at nagda-drive na ito.
“Eighteen years na at ipinagda-drive pa nga ako minsan. Napakabait na bata. Inspired ako to work dahil sa anak ko,” sey pa ni Arnell na ipinaalala sa akin na Solved na Solved ang title ng show niya sa Kapatid network.
- Latest