Lea iiwan na ang The Voice?!
May tsansa na baka hindi na natin makita bilang isa sa coaches si Lea Salonga sa sinusubaybayang The Voice of the Philippines. Bida na naman kasi siya sa Broadway musical na Allegiance na magsisimulang mapanood sa November 8. Bagaman at may kalayuan pa ito, hindi naman mapapasubalian na kailangan ng mahabang rehearsal ng buong cast ng nasabing palabas para mapaghandaan ito.
Nagampanan na ni Lea ang role na gagampanan niya sa Allegiance nung una itong mapanood sa isang sinehan sa San Diego, California in 2012. Uulitin lamang niya ito sa Longacre Theater.Mga kilalang personalidad ang makakasama ni Lea.
Paborito si Lea sa VOP dahil sa pagiging magaling nito at mahusay niyang coach. Siya ang mentor ng unang VOP winner na si Mitoy Yonting. Palagi ring nakakasama sa top 3 ang mga pumipili sa kanya para maging coach.
Sana nga hindi maapektuhan ang trabaho ni Lea sa VOP dahil asset siya sa paligsahan at kitang-kita ang passion niya sa pagkanta at pagdi-develop ng talents sa maituturing na pinakamatagumpay na singing contest sa bansa ngayon.
Better luck next time, Winwyn!
Ang daming nagalit! Ang daming nag-react ng hindi maganda. Lalo na ang mga beki na ang panonood ng mga beauty pageant ang isa sa pinaka-gusto nilang libangan. At sa simula pa lamang ay nagustuhan na nila ang anak nina Joey Marquez at Alma Moreno. Hindi lamang pala maganda kundi magaling pa ring sumagot ang kandidato na nauna munang mag-artista bago sumali sa Binibining Pilipinas. Ang sagot niya sa Q&A portion ang isa kundi man ang pinakamaganda na narinig mula sa 15 na kalahok sa itinuturing na pinaka-prestihiyosong beauty pageant sa bansa. Hindi naman kataka-taka dahil nakapagtapos ito ng kolehiyo sa San Beda at palaging dean’s lister.
Kung talagang gusto ni Winwyn na sundan ang yapak ng tiyahin niyang si Melanie Marquez na naging Miss International once upon a time, dapat mag-persevere siya at huwag malungkot sa kinahinatnan ng kanyang unang pagsabak sa isang beauty contest. Tandaan niya ang mga umuulit, at marami na sila, ay palaging napipiling Bb. Pilipinas Universe.
PSN hindi ko malilimutan…
Ilang taon na ba ang PSN? Hindi ko na maalala o mabilang kaya. Pasenya na dahil 70 years old na ako, marami nang nakakalimutan. Pero hindi ang mga beautiful memories na nakuha ko sa mahigit 20 taon na pagtatrabaho rito, una bilang assistant lamang ng namayapang Entertainment Editor na si Oscar Miranda. Nang mawala siya ay ako ang nakuhang kapalit niya. I learned from this great old man na kung pwedeng huwag nang tumanggi sa isang artikulo o panulat at sabihan na lamang ang writer na irewrite na lamang ang artikulo and point to him/her ang mga pagkakamali niya. Sa kanya ko rin natutunan ang huwag magsisimula ng pagsusulat sa mga salitang Ingles kung ikaw ay sumusulat sa isang dyaryong Tagalog ang lengwahe. Bagaman at tanggap na ang Taglish ngayon, pero sa mga sumusunod na paragraph na lamang ito gawin at huwag sa opening paragraph. Hindi ko pa rin masasabi na okay na ang Tagalog ko. Mahirap talagang iwala ‘yung 10 taong ginugol ko sa pagsusulat sa MOD, isang women’s magazine.
Proud ako sa narating ng PSN. Hirap nga akong tumanggap ng assignment sa iba dahil palagi kong hinahanap ang standards na nakatandaan ko sa PSN.
Mowelfund may magarbong 41st anniversary celebration
Tinatawagan lahat ng myembro ng Mowelfund sa gaganaping 41st. anniversary celebration nito sa Mowelfund Plaza sa March 28, 1-5 NH. May activities na magaganap tulad ng free medical and dental services, grand raffle, musical program with celebrity guests. Huwag kalimutan na dalhin ang Mowelfund ID cards. Tinitiyak ang pagdalo ng dating pangulo at founder ng Mowelfund na si Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada. Kasalukuyang pangulo ng Mowelfund si Boots Anson Rodrigo.
- Latest