Tunying, kukumustahin ang mga biktima ng sunog sa Parola
MANILA, Philippines - Tutungo sa Parola Compound sa Tondo, Manila si Anthony Taberna upang bisitahin ang mga biktima ng isa sa mga pinakamalaking sunog na sumiklab sa simula pa lang ng Fire Prevention Month ngayong Marso13 sa Tapatan ni Tunying.
Doon, kikilalanin ni Tunying si Mollyn, isang 58 anyos na residenteng magbabahagi ng kanyang karanasan na halos pagsunod sa kanila ng sunog saan man sila mapunta. Nasunugan na ang limang iba’t ibang bahay na natirhan niya.
“Ewan ko ba. Baka sinusubukan lang kami. Tadhana talaga kung makakaya ang problema. Ganun lang talaga,” aniya. Ilang araw matapos ang insidente, bumalik si Mollyn sa kanyang tahanan upang isalba ang ilang bagay na maaari pang magamit.
Samantala, makakapanayam din ni Tunying ang bumberong si Mark na isa sa mga rumesponde sa sunog na lumamon sa lugar nina Mollyn. Ibabahagi ni Mark ang mga problemang kanilang naranasan habang pinupuksa ang apoy.
“May mga circumstances na bumubomba ka na, pipilitin nilang agawin sa iyo ‘yung hose. Kung hindi mo ibibigay parang iha-harass ka nila. Siyempre mapipilitan ka para sa iyong safety, bibigay mo na lang sa kanila ‘yung hose,” pagbabahagi ni Mark.
Bilang isang third-generation firefighter, alam ni Mark na bahagi ito ng trabaho dahil naranasan na rin ito ng kanyang lolo at ama.
Subaybayan ang mga kwentong ito at iba pang fire prevention tips sa Tapatan ni Tunying ngayong (Marso 13), 4:30 p.m. sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
- Latest