Robin seryosong lumayas ng ‘Pinas, gusto ring mabuhay ng matagal kaya puro organic lang ang kinakain
Wala nang urungan ang pag-aalsa balutan ni Robin Padilla sa bansa kung ang mga sinabi niya kahapon ang pagbabasehan. Kahapon sa press launching as the new endorser ng all natural cough medicine na Ascof Lagundi, natanong ang aktor kung mapipigilan ba siya ng bagong endorsement para hindi niya layasan ang ‘Pinas. “Hindi ako magpo-post ng isang bagay na hindi ako seryoso. Pero ‘wag muna nating pag-usapan ‘yan, ito munang Ascof Lagundi,” sabi ng aktor na ibig sabihin ay seryoso siya sa kanyang declaration na mangibang bansa na lang.
At dagdag niya kung sakali raw magkaroon ng chance na gumawa uli sila ng pelikula ni Megastar Sharon Cuneta, sabi ni Robin “sa abroad naming gagawin ang pelikula.”
Four days ago kasi ay nagpahayag ng pagkadismaya sa kanyang Instagram account si Robin matapos payagan ng Quezon City Regional Trial Court na magbayad ng piyansa ang isa sa suspect sa Maguindanao Massacre na si former Maguindanao officer in charge Sajid Islam Ampatuan ng halagang P11.6 million. Umabot sa 58 ang balitang napatay sa nasabing masaker noong November 2009.
Heto ang post ni Robin four days ago :
Tunay po na wala ng naghaharing batas sa Inangbayan Pilipinas, tunay po na walang piring ang mata ng hustisya, tunay po na walang ipin ang gobyerno para sa mga makapangyarihang Tao, tunay po na ang kagawaran ng hustisya sa bansang ito ay pinamumugaran ng sindikato, tunay po na nalalapit na ang eleksyon kaya’t ang mga pangil at kuko ng mga politiko ay nagsisimula ng magplano at magtanim ng mga Warlords, at tunay rin po na ang nalalapit na eleksyon ay gagohan.. My Almighty God, my creator Allah, pls take me out of this Forsaken Land....my wife @marieltpadilla bring me out of this Lawlessness,Insanity, Underworld,before its too late for us ... My leader @ricardopenson i am leaving the Motherland ASAP, i am sorry gentlemen and women of the Katipunan, no room for change in this country, all this i cannot bear to witness any longer @omengq Forgive me my everdearest mother @evacarinopadilla.
“Kahit saan man ako makarating, hindi naman kami siguro bibitaw sa Pascual (ang makers ng ASCOF, Lagundi), siguro kahit hindi naman kami nagkita ng Pascual o kahit may Ascof o wala, tuluy-tuloy ako sa organic revolution,” dagdag ng aktor.
Sinabi ng aktor na answered prayer ang pagiging endorser niya ng gamot sa ubo na all natural. “Araw-araw nagdadasal kami ni Mariel na sana may produktong organic. Ito na pala ‘yun.”
At taon na pala ang pagiging organic life nila ng asawang si Mariel na nagsimula lang nang minsang nag-uusap sila at sinabi niyang sigurado siya ang mas mauunang pumanaw dahil mas may edad siya sa asawa.
“Si Mariel kasi bata pa. Eh siguro, nagiging masyado na ‘kong madrama at tuwing nagkukuwentuhan kaming mag-asawa, lagi kong sinasabi sa kanya, eh sigurado, mauuna akong papanaw.
“Ang lagi niyang sinasabi, ‘hindi, pahahabain ko ang buhay mo, hindi pupwedeng mauna ka.’ Alam mo naman ‘yang mga pag-ibig, corny minsan ‘yan.
“Eh ang naging solusyon, maging organic. Kasi sa iba’t ibang bansa lalo na sa mga tinatawag nating first world countries, organic na talaga sila at ‘yun ay pinaniniwalaan ng scientific at clinical studies na talagang effective,” kuwento ni Robin.
Kaya nga raw si Mariel ngayon, expert sa organic farming.
“’Yung unang taon naming dalawa, talagang dahan-dahan, nag-o-organic na kami. Una kasi siyempre, binibili mo pa ‘yan, eh. Wala ka pa namang knowledge.
“’Yung second year namin, nagpupunta na kami sa iba’t ibang bansa, pinag-aaralan na namin kung ano ‘yung organic. Nakarating kami ng Sweden, nakarating kami ng Spain, kasi katulad sa Sweden, organic talaga ang mga tao roon.
“’Yung 3rd year namin, nagtatanim na po kami. Si Mariel, nasa organic farming na po siya ngayon. Ganu’n na po kami kaseryoso sa organic.”
Kaya naman nang bisitahin nila ang taniman ng Pascual Consumer Healthcare Corp. (gumagawa ng Ascof Lagundi), sa Nueva Ecija na 40-hectare, agad-agad siyang umuo.
Dahil walang chemicals ang kinakain nilang mag-asawa hindi na raw siya nagkakasakit kumpara noon na madalas siyang nasa hospital.
Kaya kahit doctor ang nagsabi na pang-18 years old ang kanyang katawan.
“Magmula nung nag-organic ako, wala po kayong mababalitaan na ako’y naospital. ‘Yan ho ang isang bagay na ipagyayabang ko. At kung puwede lang nga hong maghubad dito, ipapakita ko sa inyo ang katawan ko. Ako po ay very lean. At masasabi ko po na kahit hawakan n’yo ang mukha ko ngayon, wala po ‘yang tulong ng kahit na sinong derma, hindi po ako nagpapa-derma. Wala po akong bahid ng kahit anon’g “salamat dok,” pagbabahagi pa niya.
- Latest