Bong at Jinggoy aliw na aliw kay Alonzo
Hindi natuloy ang first taping day last Friday, February 20 ng Wansapanataym Presents: Yamishita’s Treasures na balik-tambalan nina Coco Martin at Julia Montes, kung saan tampok din ang bagong child star na si Alonzo Muhlach. Inaayos pa kasi ng Dreamscape Entertainment ni Deo Endrinal ang script at maging ang location, pero matutuloy na umano ang taping ngayong Lunes, February 23.
Napapanood ni Alonzo Muhlach ang Wansapanataym kaya familiar siya sa programa at na-excite siya na mapapanood na rin sa nasabing serye tulad sa isa pa niyang paboritong programa ng ABS-CBN, ang long-running kiddie gag show na Goin’ Bulilit kung saan kabilang na rin siya.
Speaking of Alonzo, aliw na aliw sa kanya sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla nang minsang makasama namin sila ng amang si Niño Muhlach sa pagdalaw sa dalawang senador sa custodial center ng Camp Crame last Friday afternoon.
Since hindi natuloy ang taping ng Wansapanataym, naisama ni Onin (Niño) ang kanyang bunso sa pagdalaw sa dalawang naka-detain na senador.
Nag-”show” si Alonzo sa harap nina Sen. Jinggoy at Senator Bong dahil kinantahan niya ang mga ito ng paboritong Mahal Kita Inay at Different Animals. Agad humiling si Sen. Bong ng slot na gagawa umano sila ng pelikula ni Alonzo kapag nakalabas na siya ng custodial center at kung papalarin ay gusto rin niyang i-remake ang Leon at ang Daga na pinagbidahan noon nina FPJ (Fernando Poe, Jr.) at Niño.
Since walang gaanong bisita nung Friday afternoon, nagkaroon kami ng pagkakataon na makakuwentuhan ng matagal ang dalawang senador. Hindi pa rin talaga nawawala ang pagiging alaskador ni Sen. Jinggoy na nagpakitang gilas nang ito’y gumawa ng kanyang sariling pasta specialty na aming kinain. Maya-maya lamang ay dumating ang dalawang anak ni Sen. Bong na sina Bryan at Cavite vice-governor Jolo Revilla at dalawa pang ibang bisita.
Last Friday ay eight months nang nakakulong sa custodial center ng Camp Crame ang mag-best friend at magkumpareng senador. Nauna lamang ng tatlong araw si Sen. Bong kay Sen. Jinggoy.
- Latest