Sarah inaabangan kung iiyak na naman!
MANILA, Philippines - Paghaharapin na ang dalawang natitirang artists ng bawat coach ng The Voice of the Philippines upang malaman kung sino ang natatanging artist na magbabandera sa kanilang team sa inaabangang grand finals sa top-rating at Twitter-trending na singing competition sa susunod na linggo.
Tiyak na mahigpit ang labanan ng magpapares dahil lahat sa kanila ay nakatikim na ng top ranking sa mga nakaraang botohan. Hindi rin biro ang pinagdaanan ng apat na coaches na lubos na nahirapan sa ilang linggong kailangan nilang mamili ng artists na mananatili at aalis na sa kumpetisyon, at patunay nga nito ay ang pag-iyak ni coach Sarah Geronimo bago ibigay ang kanyang hatol noong nakaraang linggo. Muli na naman kaya siyang maging emosyonal sa paparating na Live Shows?
Magkakasukatan na ng pangarap, boses, at determinasyon ngayong weekend (Feb 21 at 22) dahil upang makuha ang top artist ng bawat team, pagsasamahin ang porsiyentong makukuha ng bawat artist mula sa mga boto ng publiko sa Live Shows ng Sabado at Linggo at ang score na ibibigay ng kanyang coach.
Humanda na sa isang matinding sagupaan sa pagitan ng singing tindera na si Alisah Bonaobra at RnB heartthrob na si Daryl Ong ng Team Apl; haranistang si Jason Dy at power diva na si Monique Lualhati ng Team Sarah; farmer-singer na si Rence Rapanot at band vocalist na si Rita Martinez ng Team Bamboo; at belter ng Tondo na si Leah Patricio at ang mapagmahal na apo na si Timmy Pavino ng Team Lea.
Sinu-sino ang Top 4 artists na magbabakbakan para sa titulong The Voice of the Philippines? Sinu-sino ang mas kakampihan ng publiko at ng kanilang coaches?
Alamin sa Live Shows ng The Voice of the Philippines ngayong Sabado (Feb 21), 8:45PM at Linggo (Feb 22), 8:30 PM sa ABS-CBN.
- Latest