Rakista na naningil ng mahal na talent fee at maraming requirements garalgal ang boses at ‘di maabot ang mataas na nota
PIK: Mamayang hapon ang awarding ceremonies ng Gawad Tanglaw Awards na ipinamamahagi ng mga educators at academes na gaganapin sa University of Perpetual Help System sa Las Piñas.
Inaasahang dadalo ang dalawang tinanghal best actress na sina Nora Aunor at Angelica Panganiban na naging isyu pa ang pagka-tie nila.
Ilan sa mga tatanggap ng award ay ang pelikulang Magkakabaung na napiling Best Film at si Allen Dizon na nagwaging Best Actor.
PAK: Iisa lang ang kinatatakutan ni Niño Muhlach sa pagpasok ng anak niyang si Alonzo sa showbiz; ang hindi lumaki.
“Sana lumaki siya. Sana hindi siya matulad sa akin na hindi na lumaki. Pero mukha namang tatangkad siya dahil matangkad ang mommy niya,” sabi ni Niño.
Naniniwala naman si Onin na iba na raw ang mga gamit ngayon sa taping at shooting dahil hindi na raw ganun kainit ang ilaw kumpara noong nag-aartista siya. Kaya naniniwala siyang hindi ito makaapekto sa paglaki ng bata.
Hindi lang daw talaga niya mapigilan dahil gustung-gusto raw ng bata na mag-artista at nag-i-enjoy ito sa mga ginagawa sa showbiz, kaya sinusuportahan na nila ito.
Pumirma na kamakalawa lang si Alonzo kasama sina Niño at Abby sa Viva Films ng exclusive contract nito.
Isa sa pinag-iisipan nilang i-remake na mga pelikula ni Niño ay ang Kuwatog na pagbibidahan ni Alonzo. Ito raw ang isa sa pinakagustong pelikula ng bagets na napanood niya.
BOOM: Na-turn off ang mga staff ng isang malaking kumpanya sa guwapong rakista nang inimbitahan nila itong kumanta sa kanilang event.
Medyo maurirat daw ang handler nitong rakista na bahagi ng isang primetime show. Kailangan daw bayad bago dumating doon sa venue si rakista. Pati ang requirements ng sound system, ang bilang ng tao sa backstage, at ilan pang mga detalye.
Pagdating ni guwapong rakista, hindi siya puwedeng maghintay nang matagal. Dapat na isalang na agad. Kaya isinalang na ito, at kilig na kilig ang mga kababaiha’t bading sa kanya na nag-aabang sa kanyang pagkanta. Nadismaya ang lahat nang kumanta na si rakista, wala sa kundisyon ang boses na parang galing sa sakit. Gumagaralgal daw ang boses at hindi abot ang matataas na nota ng kanta.
Nawala ang paghanga nila. Hindi nila akalaing iyun lang ang mapapanood nila, sa laki ng talent fee na binigay at sa requirements na hinihingi ng kampo nito.
- Latest