Benjie na-knock out sa lamok!
Nagsosolo si Benjie Paras sa kanyang hospital room nang dalawin ko noong Martes dahil nasa bahay ang misis niya at inaasikaso ang kanilang maliliit na anak.
Dengue ang sakit ni Benjie kaya panay ang inom niya ng tawa-tawa para tumaas ang kanyang blood platelets.
Hindi matandaan ni Benjie kung saan siya kinagat ng lamok dahil iilan lang ang lugar na kanyang pinupuntahan, gym, ang bahay nila, at ang set ng bagong teleserye na ginagawa niya.
Walang pinipili na tao ang dengue. Tingnan n’yo si Benjie na malaking tao at halos araw-araw sa gym pero hindi umubra sa dengue ang lakas niya.
Naalaala ko tuloy ang kuwento tungkol kay KC Concepcion na panay ang pahid sa katawan ng lotion para hindi lapitan ng lamok at makaiwas siya sa dengue. Ang ending, na-confine rin siya noon sa ospital dahil sa dengue.
Jinggoy dinumog ng mga naki-birthday
Dagsa ang dalaw ni Senator Jinggoy Estrada noong Martes dahil birthday niya.
Marami ang bumisita kay Papa Jinggoy at bumati sa kanyang kaarawan.
Parang insensitive na i-greet si Papa Jinggoy ng happy birthday dahil paano siya magiging masaya kung nakakulong sila ni Bong Revilla sa PNP Custodial Center?
At least, nakita at naramdaman ni Papa Jinggoy na marami ang nagmamahal sa kanya dahil sa mga bisita na nagpunta sa PNP Custodial Center noong Martes.
Dasal ng asawa ni Jinggoy dininig ng Diyos
Na-confine rin sa ospital ang misis ni Papa Jinggoy na si Precy Ejercito dahil sa trangkaso na usung-uso ngayon.
Ang gumaling siya bago ang birthday ng kanyang asawa ang dasal ni Precy at nangyari naman ang hiniling niya sa Diyos.
Kumpleto ang pamilya ni Papa Jinggoy nang bumisita ako sa Camp Crame. Ang kanyang nanay na si Dra. Loi Ejercito ang isa sa mga nakita ko. Hindi kami nagpang-abot ni Manila City Mayor Joseph Estrada dahil hindi ako nagtagal sa PNP Custodial Center. Dinalaw ko pa si Benjie sa ospital at nagpunta ako sa contract signing ni Alonzo Muhlach at ng Viva Artists Agency.
Alonzo sanay na sanay na sa showbiz
Na-late ng dating sa Music Hall si Alonzo at ang kanyang mga magulang dahil naglagare pa sila.
Nanggaling si Alonzo sa isang story conference at nang matapos ito, tumuloy siya sa Music Hall, ang music bar sa Metrowalk na pag-aari ng Viva Group of Companies.
Namana ni Alonzo ang pagiging bibo ng kanyang tatay na si Niño noong bagets pa ito.
Nag-volunteer si Alonzo na kumanta at sumayaw habang hindi pa nagsisimula ang contract signing.
Kinanta ni Alonzo ang old song ni Niño, ang Mahal Kita Inay at sumayaw siya ng Gangnam Style.
Aliw na aliw kay Alonzo ang mga reporter dahil pang-showbiz talaga siya.
Sanay na sanay na si Alonzo na magpakuha ng litrato sa mga photographer at magsalita sa harap ng mga TV camera.
Nakikipag-usap siya sa lahat at sinasagot niya ang lahat ng mga tanong sa kanya.
Proud father si Niño kay Alonzo. Pinapanood lang niya ang kanyang anak habang inaaliw nito ang mga reporter. I’m sure, kitang-kita ni Niño sa katauhan ni Alonzo ang kanyang sarili.
Matangkad na babae ang nanay ni Alonzo at hindi siya stage mother ‘ha? Malaki ang kumpiyansa ni Niño na magiging matangkad ang kanyang anak dahil mamanahin nito ang katangkaran ng misis niya.
Mahiyain ang asawa ni Niño. Pinilit pa siya ni Alonzo na umakyat sa stage at maupo sa presidential table bago nagsimula ang contract signing at ang presscon.
- Latest