Magaan daw ang kamao pamosong female personality sayang ang ganda, karelasyong negosyante ngayon sanay mambugbog
Kung ang mga kuwento-kuwento sa balwarte ng mga bukod-na-pinagpala ang pakikinggan at paniniwalaan ay may katwiran ngang matakot ang mga kaibigan ng isang pamosong female personality para sa kanyang kinabukasan sa mga kamay ng bagong lalaking pinili niyang makarelasyon.
Mula nang malantad ang kanilang relasyon ilang buwan na ang nakararaan hanggang ngayon ay sila pa rin ang pinagpipistahan ng mga shala (sosyal) nating kababayan.
At hindi masisisi ang mga tsismosang milyonarya, marami silang alam na istorya tungkol sa lalaking karelasyon ngayon ng magandang babaeng personalidad, harinawang hindi maganap sa kanya ang kuwentong ikinakabit sa negosyanteng pinakamamahal niya ngayon.
Magaan daw kasi ang pingkok (kamao) ng businessman, parang papel lang daw ‘yun sa bilis kung makapanakit ng babae, sagana kuno sa bugbog ang mga dating karelasyon nito.
“She cannot be an exception, sanay na kasi ang guy sa pambubugbog, second skin na niya ‘yun, so she cannot be spared!” mataas ang boses na komento ng isang babaeng alahada at galing sa isang buena familia.
Mga amiga pala kasi ng mga ito ang dalawang dating girlfriend ng mangangalakal na dinadambana ngayon ng female personality. Pambubugbog diumano ang dahilan kung bakit nakipagkalas ang mga tinutukoy nilang kaibigan sa lalaki.
“She looks so fragile pa naman. Baka isang suntok lang ng guy, bagsak na siya. Ang ganda-ganda niya para gawing punching bag!” dagdag na komento naman ng isa pang milyonaryang napakahilig tumutuok sa mundo ng showbiz.
Nakakaloka ang magkakaibigang milyonaryang ito, naturingan silang nasa ituktok ng tatsulok ang estado ng kabuhayan, pero alam na alam nila ang mga nagaganap sa lokal na aliwan.
Kilala nila ang mga artistang kumakabit sa mga general, ang mga aktor na ginagawang boy toy ng mga milyonaryong bading, walang nakaliligtas sa kanilang pang-amoy dahil maliit lang ang kanilang mundo.
Nakakaawa naman pala kung ganu’n ang puwedeng mangyari sa magandang female personality sa mga kamay ng kanyang bagong boyfriend kapag nagkataon.
Ubos!
Nagluto nung kanyang birthday Sen. Jinggoy napa-practice ang pagiging chef!
Ipinagdiriwang ngayon ni Senador Jinggoy Estrada ang kanyang ikalimampu’t dalawang taong kaarawan. Bukod na nasa piitan siya ngayon ay naospital pa ang kanyang misis na si Precy Ejercito dahil sa matinding trangkaso at ubo.
Nu’ng Linggo ay marami nang bumati sa kanya sa PNP Custodial Center, ang senador pa mismo ang nagluto ng paborito niyang prawns na regalo sa kanya ni Colonel Jude Estrada, kaya palagi namin siyang binibiro na nagkataon lang na naging pulitiko at artista siya dahil ang totoo ay isa siyang chef.
Matiyaga sa pagluluto si Senador Jinggoy, namana niya ang galing sa pagluluto ni dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada. To die for ang lasa ng steak na madalas timplahin at lutuin ng kanyang ama.
Maraming nagaganap sa ating bansa ngayon, walang naitatago sa kanila ng kanyang kaibigang karnal na si Senador Bong Revilla, dahil kumpleto sila ng mga pahayagan araw-araw.
Hindi sumusuko sa pakikipaglaban si Senador Jinggoy, umaasa siyang isang araw ay kakikitaan din ng katwiran ng hukuman ang kanyang mga depensa, maraming nakakaalala sa kanyang galing sa pagtatanong sa ginaganap na hearing sa Senado tungkol sa kinahinatnan ng SAF-44.
Kung nabigyan lang sana siya ng pagkakataong makapagbato ng pang-uusisa sa mga tagapamuno ng ating kapulisan at mga kawal. Kung sana’y nagkaroon lang siya ng oportunidad na mabusisi ang matinding kaganapang kumitil sa apatnapu’t apat na miyembro sa hanay ng mga kapulisan.
Siguradong maraming ulo ang gugulong sa sahig ng Senado at maraming pangalan ng mga pulitikong itinatago lang sa ilalim ng carpet ang malalantad sa ayaw nila’t sa gusto.
Maligayang kaarawan uli, Senador Jinggoy Estrada. (Happy birthday Sen. Jinggoy. – SVA)
- Latest