Matangkad na aktres na kumabit sa kontrobersiyal aktor lumundag ng bintana para hindi mahuli ng singer-actress
Nandito ngayon ang isang kilalang singer-actress na matagal na nanirahan sa isang malamig na bansa. Maganda na ang estado ng kanyang buhay ngayon, matalino naman kasi ang female personality, kaya nu’ng tumumal ang kanyang showbiz career ay nangibang-bansa siya para gamitin ang kanyang talento sa ibang larangan.
Naging karelasyon ng singer-actress ang isang kontrobersiyal na aktor ngayon, nagkaroon ng bunga ang kanilang pagmamahalan, kumplikado ang naging takbo ng kanilang relasyon dahil sa pagiging babaero ng aktor.
Papunta-punta lang ang aktor sa bahay ng singer-actress, ganu’n din ang babae, padalaw-dalaw lang siya sa bahay ng aktor para magdala ng masasarap ng pagkain dahil mahusay siyang magluto.
Dalawang beses niyang nahuli ang isang matangkad na aktres sa bahay ng aktor, nu’ng una ay nagtago ito sa banyo sa kuwarto ng lalaki, nu’ng ikalawa naman ay napilitang lumundag ang matangkad na aktres sa bintana at lumanding sa ibabaw ng malaking kulungan ng aso.
Sabi ng aming source, “Malikot ang babaeng ‘yun, naging girlfriend din siya ng isang tisoy na aktor na mister na ngayon ng isang sexy star. Mabuti naman at tumino na siya nu’ng makapag-asawa siya.”
Hindi pa nabibigyan ng pagkakataon ang singer-actress at ang matangkad na aktres na magkaharap pagkatapos ng kuwento ng kanilang nakaraang pakikipagrelasyon sa kontrobersiyal na aktor.
Huwag na huwag magkakamaling pagsupladahan ng matangkad na aktres ang singer-actress, wala siyang inuurungan, pakawalan lang niya ang linyang “Remember the dog cage?” ay siguradong mangliliit na ang matangkad na aktres.
Ha! Ha! Ha! Ha! Ubos na ubos!
Heart hindi pa rin ‘buo’ kahit ikakasal na kay Sen. Chiz
Kahapon ay kumaway na ng pamamaalam si Heart Evangelista sa kanyang pagkadalaga. Misis na siya ngayon ng senador, iuuwi na ni Senador Chiz Escudero ang bandera sa Sorsogon, kahit may mga tumututol sa kanilang pagpapakasal ay nanaig pa rin sa pagkakataong ito ang pagmamahalan.
Sa hinaba-haba ng pagbiyahe ni Heart sa pakikipagrelasyon ay sino nga ba ang mag-aakala na isang pulitiko pala ang kanyang mapapangasawa? Isang mambabatas na may kambal pang anak na itinuturing na rin ngayong supling ng aktres. Mapaglaro talaga ang kapalaran, si Heart man ay nagugulat pa rin hanggang ngayon sa kinauwian ng kanyang buhay-pag-ibig.
Nasa edad na si Heart para mag-asawa, maligaya siya ngayon, pero may kulang pa rin para makumpleto ang kanyang kaligayahan sa piling ng lalaking pinili niyang pakasalan.
Hanggang hindi pa natatanggap nang buung-buo ng kanyang mga magulang si Senador Chiz ay palaging may hahanapin pa rin si Heart. Malaki ang pagkakaiba ng basbas lang sa pagtanggap.
Sabi ng kausap naming dumaan din sa ganu’ng sitwasyon, “Kapag nagkaanak na si Heart, siguradong lalambot na ang puso ng parents niya. Iba ang milagrong nagagawa ng apo, walang nagagawa ang mga lolo at lolang nagmamatigas kapag nakita na nila ang napakasarap na ngiti ng isang inosenteng sanggol na galing sa sinapupunan ng anak nila.”
Sigurado ang pagmamahal kay Heart ng kanyang mga magulang, pride na lang ang umiiral ngayon sa mga ito, pero kapag nand’yan na ang kanilang apo ay siguradong buburahin na nila ang salitang pride sa kanilang diksiyunaryo.
- Latest