Pokwang pinagsabihan ng anak na ‘wag maging tanga kay Lee
Kinumpirma ni Pokwang na mag-iisang buwan na silang magkasintahan ng katambal niya sa pelikulang Edsa Woolworth na si Lee O’Brian. January 20 daw nang maging opisyal ang relasyon ng dalawa. Nag-usap daw nang masinsinan sina Pokwang at Lee pagkatapos ng premiere night ng kanilang pelikula at doon ay nagkaalaman kung ano ang tunay na nararamdaman nila para sa isa’t isa. “Do’n ko nalaman. Sinabi niya, ano ka ba? First shooting day pa lang, meron na siyang kiyeme (feelings). Sabi ko, ano tayo? Tapos hinalikan niya ako. Sabi niya, gusto niya ako. ‘Yun lang, masaya siya ‘pag nakikita niya ‘ko, kapag magkasama kami,” nakangiting kuwento ni Pokwang.
Nahirapan daw ang aktres na sabihin sa kanyang anak na si Mae ang tungkol sa bagong kasintahan. “Actually, nahirapan ako kay bagets ah, ‘yun pala nakakaramdam na siya. Hinihintay niya lang magsabi ako pero okay naman sa kanya. Sabi niya, ‘Oh ‘wag ka lang shunga. Alam mo na ‘yan. Gusto ko makita kang happy.’ Nakikita naman niyang masaya ako. Tapos sabi ko sa kanya, ‘Huwag kang mag-alala, hindi ko pababayaan tuition mo.’ Tapos tumawa siya nang malakas,” pagdedetalye ni Pokwang.
Muli raw babalik sa bansa si Lee sa April upang magkapagbakasyon ng dalawang linggo.
Nagbabalik na Deal... kay Edu unang ini-offer
Nagbalik na simula noong Lunes sa Kapamilya network ang programang Kapamilya Deal or No Deal. Si Luis Manzano ang host ng nasabing palabas noong huling season nito at ang aktor pa rin ang host nito ngayon.
Kamakailan ay napabalitang magbabalik na sa ABS-CBN ang ama ni Luis na si Edu Manzano at diumano ay ang huli na raw ang magho-host ng programa. “Hindi po. But I wouldn’t be surprised kasi siguro kahit tanggalin mo ‘yung last name namin na both Manzano. Me as Luis and he as Edu as a host. Kung kinukuha siya prior sa akin I wouldn’t be surprised,” paglilinaw ni Luis.
Ayon pa sa binata ay posibleng tanggihan din ni Edu ang pagho-host ng programa kung sakaling ialok ito sa ama. “Baka kasi busy lang si Daddy or baka may conflict kaya binigay sa akin. Okay lang sa akin ‘yun,” giit ni Luis.
December nang pumutok ang balitang pagbabalik diumano ni Edu sa Kapamilya network na kinumpirma na rin ni Luis ngayon. “Yes. Kung hindi ako nagkakamali ang ginagawa niya ay isang serye, ang Bridges. I believe so,” nakangiting pahayag ni Luis.
Samantala, kahit matagal nang TV host ay aminado naman si Luis na medyo nahihirapan siya lalo na sa pagsasalita ng Tagalog. “Weakness ko naman admittedly ay ‘yung mga malalim na Tagalog words. Lalo na ‘yung mga nadodoble, ‘yon ang kahinaan ko. Si Toni (Gonzaga) ang malakas doon kapag binabasa namin halimbawa sa The Voice script, siya ang doon,” pagbabahagi ng aktor.
Reports from JAMES C. CANTOS
- Latest