Dini-deliver pa sa kanyang bahay TV host/actress sobra-sobra kung mamakyaw ng branded na mga gamit
Bonggang-bongga talaga ang kasosyalan ng isang sikat na female personality na hindi lang basta mayaman, sobrang yaman, kaya lahat ng gusto niyang mangyari ay mabilis niyang nakukuha.
Kung ang ibang kilalang personalidad ay madalas makita ng ating mga kababayan na nagsi-shopping, ang babaeng personalidad na ito ay hindi, ang mga produkto ang dumarating sa kanya.
At puro branded ang mga produkto, hindi naman kasi siya gumagamit ng mga produktong gawa sa ating bayan, puro imported stuff ang binibili niya.
Lalo namang hindi siya gumagamit ng fake. Pinapakyaw niya ‘yun. Masyado siyang metikuloso sa ganu’n. Alam niyang kumilatis, kabisado niya ang original, kaya nga tinitingnan pa niya ang etiketa ng damit ng mga katrabaho niya para lang sabihing peke ang suot nito.
Kuwento ng aming source ay parang wala nang bukas pa kung umorder ng kanyang mga kagamitang imported ang sikat na female personality. Puwedeng on-line at puwede rin namang itinatawag lang niya sa mismong shop ng sikat na brand ng kahit anong produkto na gusto niya.
“Hindi niya kailangang magpunta sa shop, ang products ang dumarating sa house niya. Talagang box-box na branded products ang dinadala sa kanya ng mga sales ladies ng shop.
“Ganu’n siya kabongga! No sweat, nasa bahay lang siya, pero kani-kanyang dating ang mga representatives ng company ng imported goods na gusto niyang bilhin, laban kayo du’n?” kuwento ng isang impormante.
Sabihin nang sobra siyang gumastos, pero wala namang masama du’n, una ay salapi niya ang kanyang ipinambabayad na nakikita naman ng publiko na pinaghihirapan niya.
Ikalawa ay dapat lang naman niyang premyuhan ang sarili niya, para siyang kalabaw kung magtrabaho dahil sa kawalan na halos niya ng pahinga, at kung hindi siya masuwerte sa pakikipagrelasyon ay lumigaya man lang siya sa mga materyal na bagay na pinagbibibili niya.
Ubos!
News 5 ibang klase ang kahusayan sa pagtilad sa SAF 44
Maaga kaming nakakatulog kapag umuuwi kami sa aming munting nayon sa probinsiya. Kung nagsisimula pa lang ang gabi sa Maynila, sa Visoria (Quezon, Nueva Ecija) naman kung saan kami lumaki ay tahimik na ang kapaligiran, namamahinga na ang aming mga kanayon para may lakas sila uli kinabukasan sa pagbubukid.
Malamig ang simoy ng hangin, tanging huni lang ng mga alaga naming ibon ang maririnig sa katahimikan ng gabi, wala nang mas sasarap pa sa pag-uwi sa nayon na aming kinagisnan.
Pero nu’ng nakaraang Sabado, habang naghihilik na ang buong baryo, ay gising na gising pa kami. Inabangan at pinaglaanan namin ng panahon ang isang espesyal na palabas mula sa News 5, ang Mamasapano: Ang Katotohanan na bahagi ng programang Kaya sa pagtitimon ng batikang news correspondent-news anchor na si Ed Lingao.
Tinilad ng palabas kung ano ang naganap sa isang operasyon ng SAF ng PNP na ikinasawi ng ngayo’y tinatawag na nating Fallen 44. Sa gilas at katapangang ipinamalas ng mga kapulisang nagtagumpay na mapatay ang teroristang si Marwan, ang Fallen 44 ay dapat nang palitan ng taguring Valiant 44, walang maaaring kumuwestiyon sa ginawang pagbubuwis ng buhay ng SAF-44 para sa ating bayang magiliw.
Sana’y palaging maghain ng ganu’ng klase ng makabuluhang palabas ang News 5, kapuri-puri ang kanilang pagsasaliksik, sa naganap na giyera sa Maguindanao ay wala silang iniwanang nakatiklop na detalye para maihatid sa publiko ang tunay na pinagdaanang pagsasakripisyo ng SAF-44.
Pintakasi ang ginamit na termino sa pagsasama-sama ng iba-ibang grupo ng mga rebelde, “against common enemy, they are one,” sabi nga sa report ng isang banyagang istasyon. Parang mga dagang nasukol ang mga pulis na pumasok sa teritoryo ng mga kalaban, nu’ng humihingi na sila ng suporta ay walang dumating, nakalulungkot na senaryo.
Nu’ng isa-isa nang ipinakikita ang mga nasawing pulis ay gumapang ang kilabot sa aming katawan. Pagkababata pa ng karamihan sa kanila, nagsisimula pa lang mangarap, pero pinitas na nang napakaaga ang nag-iisa nilang buhay.
Itiniklop namin ang gabi na hindi na lang huni ng mga alaga naming ibon ang mauulinigan sa paligid, may nakikipagduweto nang paghikbi-pagsinghot, kapag may mga kababayan tayong nasasawi sa makabuluhang dahilan ay kalahati rin ng ating puso ang namamatay.
Maligayang bati sa News 5. Maraming salamat sa isang espesyal na palabas na tatatak na sa kasaysayan ng telebisyon.
- Latest