Sakaling pasukin ang pulitika: Vilma at Edu handang-handa ang suporta kay Luis
Sakaling naisin ni Luis Manzano na pasukin ang pulitika o ‘di kaya pakasalan ang kanyang nakabalikang nobyang si Angel Locsin, walang magiging problema sa kanyang estranged parents na sina Batangas Governor Vilma Santos at Edu Manzano na 100% ang suportang ibinibigay sa kanilang anak.
Anuman ang magiging desisyon ni Luis ay naroon ang kanyang mga magulang para gabayan siya pero ang final decision ay magmumula pa rin kay Luis who is turning 34 on April 21.
Kinakailangan na ring mag-desisyon ni Luis kung papasukin ba nito o hindi ang pulitika at susundan ang yapak ng kanyang mga magulang dahil next year na ang election.
Kung matatandaan pa, si Edu ay nagsilbing Vice Mayor ng Makati (1999-2001) at nagsilbi rin siya bilang chairman ng Optical Media Board (OMB) mula 2004-2009. Tumakbo rin siya sa pagka-pangalawang pangulo pero hindi nga lamang pinalad na manalo. Ang Star for All Seasons-turned politician namang si Gov. Vi ay tatlong term naging mayor ng Lipa City bago naging Governor ng Batangas at siya’y nasa kanyang third and final term na kaya marami ang humihikayat kay Luis na tumakbo ito bilang mayor ng Lipa o ‘di kaya bilang Vice-Governor ng Batangas.
Bukod sa pulitika, marami rin ang nangpi-pressure kay Luis sa pagpapakasal nila ni Angel. Pero sinabi naman niya na hindi umano siya magpapadala sa pressure. Gagawin niya ang isang bagay dahil gusto niya at hindi dahil sa pressure mula sa ibang tao.
Kaye maraming kakampi, Jason at Erich kinamumuhian
Kung pagbabasehan ang mga komento sa social media ng televiewers ng Two Wives, marami sa kanila ang galit na galit sa character ni Jason Abalos na si Victor dahil sa pagiging two-timer nito. Marami rin sa kanila ay galit kay Janine (Erich Gonzales) dahil ginulo nito ang pagasama nila ni Yvone (Kaye Abad) na siyang tunay na asawa. At kung hihimay-himayin ang mga komento, lahat sila ay may kani-kanyang katwiran at sariling opinion.
Hindi ikinakaila ng lead stars na ang nasabing serye ang pinaka-most challenging TV series na kanilang nagawa. May nagagalit man sa kanilang mga papel na ginamgampan, ito’y patunay lamang daw na nabibigyan nila ng justice ang kanilang respective roles.
- Latest