Alex Gonzaga magko-concert na rin sa Araneta!
MANILA, Philippines - Hindi na matutuloy ang two-night concert ni Alex Gonzaga sa Music Museum na si Pops Fernandez sana ang producer.
Sa Smart Araneta Coliseum na magko-concert si Alex.
Hindi na mapigilan ang kasikatan ni Alex at lalo pang sumikat ang kapatid ni Toni Gonzaga nang mapasama siya sa ASAP at kinagigiliwan ang Karaokey segment nila ni Luis Manzano.
Pati libro niya na inilabas ng ABS-CBN Publishing, Inc. ay big hit din at dahilan nga para gawin na itong pelikula ng Star Cinema at nasa pre-production stage na ngayon na balitang pagsasamahan nila ni Luis.
Ang ikinakasang Smart Araneta Coliseum concert nga pala ni Alex ay hindi na si Pops ang magpo-produce kundi ang dating That’s Entertainment member turned concert producer na si Joed Serrano.
Kris magpapahinga sa kanyang birthday
Mapapahinga si Kris Aquino sa mga issue involving his brother, Pres. Noynoy Aquino, sa birthday niya.
Nakatakdang pumunta ng Japan ang tinaguriang queen of all media sa mismong birthday niya sa February 14.
Bonding nila ng mga anak na sina Josh at Bimby ang pagpunta nila sa Japan.
Hindi shopping ang aatupagin doon ng mag-iina, kundi ang pagpunta sa mga lugar na may hot tub dahil ‘yon ang nagustuhan sa Japan nina Josh at Bimby.
Ayon kay Kris, paborito niya ang Japan ngayon kaya ilang buwan din nilang fineature sa KrisTV ang iba’t ibang lugar na puwedeng pasyalan sa nasabing bansa.
Martin matiyagang mag-autograph at magpa-picture sa fans
Nang makasama ko noong Thursday at Friday sa Cebu City si Martin Nievera para sa very successful two-night birthday concert niya sa Grand Convention Center Cebu na produced ni Tony Soon ng TSE Live, mas nakilala ko ang original concert king.
Mabait na si Martin sa kanyang mga kakilala, pero mabait din si Martin sa lahat.
Tumatagal kami sa halos lahat ng lugar na puntahan namin dahil kahit nagmamadali na ang lahat, pinagbibigyan pa rin ni Martin ang lahat ng mga gustong magpa-picture kasama siya.
Maging sa kanyang concert, may meet & greet si Martin pagkatapos para mapagbigyan ang mga gustong magpa-picture kasama siya at magpa-autograph na rin.
Ayon kay Joy Alonzo na siyang namamahala sa career ni Martin, wala silang ibinibigay na time limit sa meet & greet ni Martin dahil habang may nakapila pa, gusto ng TV host/singer na lahat ay mapagbigyan.
Ang magandang ugaling ‘yon ni Martin ang dapat tularan ng mga baguhang singer ngayon.
- Latest