Hinaharang pa dati ang trabaho ni actress, ngayon bestfriend na... Female personality tadtad ng insecurity sa katawan, OA pa ang kaplastikan
Puwedeng magpakaplastik ang isang female personality sa publiko, pero hinding-hindi sa mga taong buhay na buhay pa na alam na alam kung gaano niya hindi kagusto nu’n ang isang babaeng personalidad, isang female personality na minsan niyang kinainsekyuran.
Nagtataka ang mga taong ‘yun kung bakit kailangan pa siyang dapuan ng insecurity, nasa kanya na kasi ang lahat, ano pa ba ang kulang sa kanyang mga pinangarap?
Mabilis siyang maapektuhan kapag may sumusulpot na personalidad na sinusuwerte sa karera, agad na siyang naiirita, itinuturing na niya agad na kalaban ‘yun kahit magkalayo naman ang edad at istilo nila?
Sa isang umpukan ng mga taga-showbiz na ang karamihan ay mula mismo sa network na pinaglilingkuran ng female personality na nang magsabog ng insecurity ang langit ay bukas pati ang kanyang bubong kaya sangkatutak ang kanyang nasambot, “Ayaw na ayaw niya dati kay ____(ang female personality na kaibigan na niya ngayon), hate na hate niya ang babaeng ‘yun!
“Sa kawalan ng magandang masasabi niya tungkol sa female personality, e, kung anu-ano na lang ang mga pinagsasasabi niya. Lahat, pinapansin niya, kesyo baduy raw ‘yung girl, kesyo very limited lang daw naman ang talent, kesyo hindi raw naman siya magtatagal!
“But the height of kaplastikan! Kinakaibigan na niya ngayon ang girl, puri-to-the-max na siya, samantalang dati, e, hinaharang pa nga niya ang mga opportunities na dumarating du’n sa tao!” manghang-manghang komento ng source.
Sa gabing ‘yun ay lumutang pa ang napakaraming kuwento tungkol sa kaplastikan ng female personality, kani-kanyang bitbit ng istorya ang mga nandu’n, nauwi ang mahabang kuwentuhan sa pagtawag na lang nila ng “Miss O” (tatak ng isang produktong gawa sa plastic) sa plastikadang female personality.
Ubos!
Kampo ni Kris ginugulo sina Juday, Jomari at Christine?!
Dahil sa kanilang pagpapakatotoo bilang mamamayan ng ating bayan ay nakakatikim ng kaliwa’t kanang bira ngayon mula sa kampo ni Kris Aquino sina Judy Ann Santos, Jomari Yllana, at Christine Bersola.
Para bang sa bansang ito ay hindi na puwedeng maglantad ng saloobin ang sinumang Pinoy na hindi nasisiyahan sa pamamalakad at nagaganap sa kanyang komunidad.
Kaya lang, kung babasahin ang mga bira sa tatlong personalidad ay puro personal ‘yun, hindi sumesentro ang kampo ni Kris sa tunay na isyu kung bakit nga ba mas minatamis pa ng ating pangulo ang dumalo sa isang car show kesa sa salubingin ang mga bangkay ng SAF-44 na nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating bayan.
Alam ni Kris ang totoo, kundi siya kapatid ng pangulo ay siguradong isa rin siya sa mga magpapalutang ng kanyang saloobin ng pagdisgusto sa ginawa ni P-Noy, nagkataon lang na magkapatid sila kaya mas nananaig ang kasabihang “blood is thicker than water.”
Pero walang krimen sa paglalabas ng saloobin nina Juday, Jomari, at Christine bilang Pilipino, nakiramay at nakisimpatya lang sila sa mga namatay at sa mga naulila, walang-wala sa kanilang isip ang awayin si Kris nang maglabas sila ng kani-kanyang opinyon.
At dapat ay bukas ang isip ni Kris na kakambal ng malaking responsibilidad at posisyon ng kanyang kapatid ang hindi pagsang-ayon ng mamamayan sa mga desisyon nito. Hindi sa lahat ng panahon ay mauunawaan sila, lalo na kapag maraming buhay na ang nabubuwis, pero parang hindi naman ‘yun pinahahalagahan ng kanilang commander-in-chief.
- Latest