Richard nanindigang itigil na ang peace talks sa mga ‘kalaban’ ng gobyerno
Marami ang nag-react sa post ni Richard Gomez sa kanyang Instagram (IG) na “So what do we do with the enemy of the state? Forget those peace talks nothing’s gonna ever change.”
Sariling saloobin ito ni Richard bilang mamamayan ng Pilipinas at sa nangyari sa 44 SAF heroes na nasawi. May mga pumabor sa kanya at may mga komontra. May nag-isip pa ngang parang gusto ng giyera ni Richard sa pahayag niyang ito. May nag-akusa pa sa aktor na ayaw nito ng kapayapaan sa Mindanao.
May nag-dare pa kay Richard na tumira sa Mindanao para maranasan ang hirap ng mga tagaroon kapag nagkakaengkuwentro ang military at mga kaaway ng bansa. Hindi pa binabago ang paniniwala ni Richard na ‘wag nang ituloy ang peace talk.
Kabilang pala sina Richard at Congresswoman Lucy Torres-Gomez sa mga nakiramay sa pamilya at loved ones ng nasawing SAF members. May mga nagpakita raw sa mag-asawa ng picture ng SAF member na basag ang mukha at hindi na makilala ng pamilya.
Dahil sa pagtatanggol kina P-Noy at Kris, Pokwang ginigisa sa social media
Nagpamisa rin si Pokwang sa kanyang bahay para sa 44 SAF Fallen Heroes. Maganda ang ginawa nito, naglagay ng kandila sa maliit na glass container at may mga pangalan ng 44 victims.
May kasamang pakiusap na “Tama na ang sisihan, tama na ang turuan, tama na ang paghahanap ng masasakit na salita na ibabato sa kapwa! Ito ang tamang oras para manalangin para sa kapayapaan ng bawat nawala at sa kanilang mga naulila.”
Ayon pa kay Pokwang, hindi nagtatapos ang pagdadasal niya para sa 44 SAF victims dahil patuloy niyang ipagdadasal ang mga ito. Hindi lang naiwasan na sagutin ni Pokwang ang mga nag-isip na ipinagtatanggol niya sina P-Noy at Kris Aquino at nabanggit pa ang conflict dati nina Kris at AiAi delas Alas.
Muli, nakiusap si Pokwang na ‘wag nang dalhin sa IG niya ang isyu ng iba, lalo’t wala siyang kinalaman sa naging isyu dati nina Kris at AiAi.
Aktor nawalan din ng best friend nang iwan ng GF
Mas lumungkot ang mga mata ng aktor na ito mula nang mag-break sila ng kanyang GF dahil hindi lang nobya ang nawala sa kanya, pati best friend. Wala na siyang kakampi at masasabihan ng problema sa paghihiwalay nila ng aktres.
Naawa ang mga reporter na nakaalam sa tunay na kalagayan ng aktor dahil siya ang bunso sa magkakapatid, pero siya ang breadwinner. Pati pamilya ng mga kapatid at pagpapaaral sa mga pamangkin, sagot niya.
Nakapagpundar ng tatlong sasakyan ang aktor, pero isa lang ang nagagamit dahil gamit ng mga bayaw ang dalawa. Ang sapatos na bigay ng sponsor, minsan lang maisuot dahil kinukuha at isinusuot ng walang paalam ng mga pamangkin.
Kailangan every week magbigay ng panggastos ang aktor sa kanyang pamilya dahil kung hindi, ngangaragin siya ng mga ito. Kaya pang magtrabaho ng ama at mga kapatid at bayaw ng aktor, kung bakit ayaw nilang magtrabaho at umaasa lang sa aktor, hindi maintindihan ng mga naaawa rito.
Alex masayang ‘magkakaroon’ na ng Kuya pero malungkot na may kahati na kay Toni
Nakatutuwa ang post ni Alex Gonzaga sa IG tungkol sa engagement ng kapatid niyang si Toni Gonzaga kay director Paul Soriano.
Post ni Alex: “Finally I can share this to everyone!!! I will have a BROTHER!!! I’m medyo saad coz may kahati na ako sa ate but I can never think of anyone more deserving and suitable for my sister so I’m still really really happy!”
Wala pang sinabi kung kailan ang kasal nina director Paul at Toni at isa ang kanilang relasyon na marami ang pabor at marami ang natuwa nang malamang engaged na ang dalawa.
- Latest