Buhay ng mga Pinoy back to normal pag-alis ng Santo Papa
Back to normal ang buhay ng mga Pilipino dahil sa pag-alis kahapon ni Pope Francis papuntang Rome, Italy.
Wish ko lang, isinaisip at isinapuso ng mga kababayan natin ang mga magagandang pangaral ng Santo Papa na nagkaroon ng unforgettable experience sa Pilipinas.
Kung maraming kuwento ang mga Pinoy, sure ako na sangkatutak din ang mga kuwento ni Pope Francis tungkol sa limang araw na pananatili niya sa ating bansa.
At dahil back to normal na ang buhay natin, back to normal na ang trapik sa mga kalsada sa Metro Manila na never na-miss ng madlang-bayan.
Boots at mister parang nahugasan daw ang mga kasalanan nang makausap ang Santo Papa
Pareho ang mga sinasabi ni Boots Anson–Rodrigo at ng kanyang mister na si Atty. King Rodrigo nang makaharap nila si Pope Francis sa MOA Arena noong Biyernes.
Parang nahugasan daw ang lahat ng kanilang mga kasalanan dahil sa pakikipag-usap nila sa Santo Papa.
Ang sey ni Mama Boots, ang sarap-sarap ng pakiramdam at agree naman si Atty. King na walang nasabi kay Pope Francis kundi ang “Please pray for me!”
Kasama nina Mama Boots at Atty. King sa meeting nila sa Santo Papa ang kanilang 100-year-old mother na isang debotong Katoliko.
Sa edad na 100, araw-araw pa rin na nagsisimba ang biyenan ni Mama Boots dahil sa kanyang matinding pananampalataya sa Diyos na biniyayaan ng pagkakataon na makaharap at makausap ang Santo Papa.
Ang Rodrigo family ang nagbigay kay Pope Francis ng sampaguita garland na suot nito sa MOA Arena event noong Biyernes.
Pope Francis nahirapan sa tanong ng batang lansangan
Nakakaiyak ang mga bagets na nagsalita sa Encounter with the Youth ni Pope Francis sa UST noong Linggo.
Bumaha ang luha dahil sa mga pahayag ng dalawang street children na tinutulungan ngayon ng Tulay ng Kabataan Foundation.
Walang naisagot si Pope Francis nang itanong ng batang babae kung bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa ang mga bata?
Parang napakasimple ng tanong ng bata pero napakahirap sagutin. Niyakap nang mahigpit ni Pope Francis ang bata na nagbigay sa kanya ng difficult question.
Ginagawang indie movie ni Allen big time, anim na milyong katao ang ‘extra’!
Kabilang si Allen Dizon sa mga artista na na-sight sa Roxas Boulevard noong Linggo at nakihalubilo sa libu-libong mga tao na naghintay kay Pope Francis sa Quirino Grandstand.
May dahilan ang sighting kay Allen sa Roxas Boulevard dahil first shooting day ‘yon ng Daluyong, ang bagong indie movie na ginagawa niya.
Isang pari ang role ni Allen sa Daluyong kaya kinunan noong Linggo ang eksena na waiting siya sa pagdaan ni Pope Francis.
Tiyak na magmimistulang big indie movie ang Daluyong dahil kasali sa eksena ang mahigit sa anim na milyong Pilipino na nagtipun-tipon sa Luneta at sinaksihan ang misa ng Santo Papa.
Si Mel Chionglo ang direktor ng Daluyong na mula sa panulat ni Ricky Lee. Co-stars ni Allen sina Diana Zubiri, Aiko Melendez, at Eddie Garcia. Tungkol sa mga pari na may mga sikreto ang kuwento ng very timely na indie movie project.
Marjorie at mga anak kay dennis nakipagsiksikan para makita si Pope Francis
Namataan din sa Roxas Boulevard noong Linggo sina Marjorie Barretto at ang mga anak nila ng kanyang ex-husband na si Dennis Padilla.
Walang indie movie na ginagawa si Marjorie. Gusto lang nila ng kanyang mga anak na makita nang personal si Pope Francis kaya sumugod sila sa Maynila noong Linggo at sinagasa ang malakas na buhos ng ulan.
- Latest