Sumadsad!
Nakakaloka ang pagsadsad ng eroplano na sinakyan ng mga cabinet official ni P-Noy sa Tacloban Airport.
Mga pasahero ng private plane sina Secretary Jojo Ochoa, Sonny Coloma etc. kaya hindi na sila nakaalis sa Tacloban City dahil sa aksidente na nangyari habang malakas ang buhos ng ulan.
Mabuti na lang, walang nasaktan sa grupo nina Sec. Jojo at Sec. Sonny.
Walang mga flight na naabala ang aksidente dahil bukod sa no fly zone kahapon sa Tacloban City, kanselado ang ibang mga biyahe na epekto ng pagdating ng Typhoon Amang sa Eastern Visaya.
Ang private plane na sinakyan ng cabinet officials ang dapat na kasunod ng eroplano na sinakyan ng Santo Papa na ligtas na nakabalik sa Maynila.
Sa pamamagitan ni Secretary Edwin Lacierda na hindi ako sineseryoso, naglabas ng official statement ang Malacañang Palace tungkol sa aksidente na naganap sa runway ng Tacloban Airport:
“This afternoon, strong winds forced a plane carrying Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Secretary Sonny Coloma, Undersecretary Manny Bautista and Undersecretary Serapio, 8 other staff members and 3 crew members to overshoot the runway at Tacloban Airport.
“The aforementioned officials were on hand in Tacloban to ensure that the activities of Pope Francis in Tacloban and Palo would go as planned. All 15 passengers and crew members are all safe and suffered no injuries.
“The families of those on board have also been assured that their loved ones are safe. DILG Secretary Mar Roxas has informed President Aquino about the incident. The President was happy to hear that all on board were safe and directed the Civil Aviation Authority of the Philippines to investigate whether the proximate cause of the incident was weather-related or otherwise.”
Pope Francis hindi ininda ang bagyo
Nakansela ang ibang activities ni Pope Francis sa Palo, Leyte dahil sa Typhoon Amang.
Hapon pa sana ang alis niya sa Tacloban Airport pero napaaga ang kanyang departure para maiwasan ng eroplano nila ang Typhoon Amang.
Kung itinuloy ni Pope Francis ang lahat ng activities niya kahapon, tiyak na stranded sila sa Leyte ng kanyang mga kasama.
Mahal talaga ni God si Pope Francis. Walang aberya sa pagpunta niya kahapon sa Leyte, kahit napakalakas ng hangin at ulan.
Lalong minahal ng mga Pilipino si Pope Francis dahil tinupad niya ang pangako na dadalawin ang mga biktima ni Yolanda at magdaraos siya ng misa.
Siesta ng Santo Papa hindi puwedeng mawala
Masuwerte ang mga nag-abang sa pagbabalik ni Pope Francis sa Villamor Airbase dahil nagkaroon sila ng chance na makipag-selfie sa Santo Papa.
Tuwang-tuwa ang mga bagets na nakipag-selfie kay Pope Francis dahil hindi nila inakala na matutupad ang kanilang pangarap na magkaroon ng souvenir picture na kasama siya.
Mula sa Villamor Airbase, bumalik si Pope Francis sa Apostolic Nunciature para magpahinga.
Type ko na gayahin ang afternoon siesta ni Pope Francis. Hinding-hindi pala puwedeng mawala sa kanya ang afternoon siesta na 1 p.m. hanggang 3 p.m. Mahaba-haba ang pahinga kahapon ni Pope Francis dahil nakansela nga ang mga lakad niya sa Leyte.
Payong bawal pa rin sa Quirino kahit malakas ang ulan
Inaasahan ang pag-ulan ngayon sa Metro Manila na huwag sanang matuloy dahil sa malaking misa na idaraos sa Quirino Grandstand.
Milyun-milyon ang bilang ng mga dadalo sa misa ni Pope Francis sa Luneta Park.
Para sa mga nagbabalak na pumunta, siguraduhin n’yo lang na kapote at hindi payong ang inyong mga dala. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibitbit ng payong para sa seguridad ng Santo Papa.
- Latest