Bamboo at Sarah, kukumpletuhin na ang kani-kanilang top 6
MANILA, Philippines - Huling pagkakataon na ng mga miyembro ng Team Sarah at Team Bamboo na magpakitang gilas at patunayan ang kanilang boses upang makapasok sa Live Shows at bumuo sa Top 6 ng kani-kanilang teams sa pagpapatuloy ng Knockouts ng The Voice of the Philippines ngayong weekend (Jan 17 at 18).
Ilan sa mga artists ang ipe-perform ang mga awitin mula sa kani-kanilang genre, samantalang ang iba nama’y susubukang makuha ang loob ng kanilang coaches sa pamamagitan ng pag-eeksperimento sa mga kantang labas sa kanilang nakasanayang istilo.
Abangan kung sinu-sino ang trio na pagbabanggain ni coach Bamboo kina RnB artist Arnee Hidalgo (Fallin), mga rakistang sina Tanya Diaz (I Remember You), Lougee Basabas (Chain of Fools), at Rita Martinez (Hit Me with Your Best Shot), at singer-instrumentalists na sina Karlo Mojica (Usok), Joniver Robles (Himig Natin), Elmerjun Hilario (Dati), Rence Rapanot (Walang Hanggang Paalam), at Kai Honasan (Limang Dipang Tao).
At sapat na kaya ang ihahaing performances ng mga diva na sina Monique Lualhati (I Knew You Were Trouble), Demie Fresco (My Immortal), Carol Leus (Open Arms), Daddy singers na sina Jason Fernandez (Push), Douglas Dagal (I Believe I Can Fly), at Kokoi Baldo (Bilog na Naman ang Buwan), at ang professional singers na sina Shaira Cervancia ( Don’t Stop Believing), Poppert Bernadas (Natutulog ba ang Diyos), at Jason Dy (Jar of Hearts) upang makatungtong sa Live Shows sa susunod na linggo?
Kaninong pangarap ang hindi na pagpapatuloy sa kompetisyon? At ano nga ba ang mahalagang announcement ni coach Bamboo na babago sa takbo ng Live Shows?
Samantala, kumpleto na ang powerhouse na Top 6 team ng Team Lea na binubuo nina Timmy Pavino, Leah Patricio, Nino Alejandro, Casper Biancaflor, Miro Valera, at Abbey Pineda, at ng Team Apl na sina Ferns Tosco, Suy Galvez, Bradley Holmes, Daryl Ong, Alisah Bonaobra, at Mackie Cao. Sila ang muling maglalaban-laban upang ligawan ang publiko gamit lamang ang kanilang boses sa Live Shows sa susunod na linggo.
Huwag palampasin ngayong Sabado, 8:45 p.m. at Linggo, 8:30 p.m. sa ABS-CBN.
- Latest