^

PSN Showbiz

Sikat na basketbolista maraming tinakbuhang utang sa pagkain!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Ibang putahe ang ihahain namin ngayong blind item. Hango ito sa mundo ng palakasan, pero parang showbiz na rin ang dating, dahil maraming artista ang karelasyon ng mga basketball stars.

Ang kuwento ay tungkol sa isang magaling na basketbolista, mula siya sa isang probinsiyang hindi kalayuan sa Maynila, sikat na siya ngayon at maraming naiinis sa kanyang kahusayan sa pagdidribol at pagsu-shoot.

Para sa mga tagasuporta ng mga kalabang koponan ng kanyang team ay barubal siyang maglaro, maangas, ang dapat daw sa kanya ay sa mga larong pangkalye lang at hindi sa propesyonal na pakikipaglaban.

Ang dami-daming kuwento tungkol sa basketbolistang ito, palibhasa’y sikat na nga siya, natural lang na maglutangan na ang mga kuwento tungkol sa kanyang nakaraan.

“Nu’ng nag-aaral pa siya sa ____(isang unibersidad na nasa pusod ng Maynila), e, maraming kinakainan ang basketball player na ‘yan! Malakas siyang kumain, kasi nga, palaging pagpag ang katawan niya sa practice.

“Nagbabayad naman siya, pero marami pa siyang kulang, malaki pa ang balance niya sa palibot ng school na pinanggalingan niya. Lista na ‘yun sa tubig, hindi na kasi siya bumabalik du’n, sikat na kasi siya,” kuwento ng isang source.

Hindi na kuno bago ang pabarubal na paglalaro ng basketbolista dahil ‘yun na ang tatak niya. Sa mga sinasalihan niyang invitational basketball tournament ay maraming tinatamaan sa kanya, kundi man dumudugo ang ilong at bibig, napipilay talaga.

Patuloy pa ng aming source, “Mabuti nga at marunong na siya ng team play ngayon dahil professional player na siya. Nu’n kasi, e, crocodile ang tawag sa kanya, dahil masyado siyang buwakaw sa bola! Kapag nahawakan niya, ibibiyahe na niya ‘yun sa ring, hindi uso sa kanya ang pasahan, buwayahan lang ang alam niya.

“Pero in fairness, magaling si loko, malakas kasi siyang uminom ng gatas!” pagbibigay pa ng clue ng aming source.

Ubos!

Mighty Mouse ng PBA pahinga na!

Pormal nang nagretiro si Jimmy “Mighty Mouse” Alapag sa paglalaro ng basketball. Naging masakit para sa magaling na guard ng Talk ‘N Text ang pagpapaalam pero siya na rin ang maysabing makikita pa rin naman siya sa mundong minahal niya kahit tumigil na siya sa pagbabasketbol.

Mahigit na isang dekada ring naglaro si Jimmy, sa larangang ito niya nakilala si LJ Moreno, naging magkarelasyon sila nang maraming taon hanggang sa magpakasal na at ngayon ay may dalawa na silang anak (adopted ang panganay).

Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ni Mr. Manny V. Pangilinan, team owner ng Talk ‘N Text, nang personal na magpaalam sa kanya ang magaling na player.

Pinahahalagahan ni MVP ang malaking tulong na naiambag ni Jimmy Alapag sa Talk ‘N Text sa kanilang pagkakampeon, saludo ang matagumpay na businessman sa kanyang katapatan sa team, pero hangad din ni MVP ang kaligayahan para kay Jimmy sa kanyang desisyon.

Magiging bahagi pa rin si Jimmy ng Talk ‘N Text bilang team manager, siya rin ang tatayong assistant coach ng Gilas Pilipinas, ang kanyang jersey lang (#3) ang pinagpahinga niya.

Maraming tagahanga ni Jimmy Alapag ang nagparating ng kanilang pasasalamat sa magagandang alaalang iniwan niya sa PBA, pero mas marami ang nalulungkot, dahil nagpaalam na ang kanilang idolong si “Mighty Mouse.”

Pero tama ang kanyang ama na umuwi pa mula sa Amerika, “Say goodbye while the iron is hot.”

GILAS PILIPINAS

JIMMY ALAPAG

KANYANG

MAYNILA

MIGHTY MOUSE

MR. MANNY V

N TEXT

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with