Jasmine imposibleng lumipat sa ABS-CBN!
Ngayong Martes ang balik ni Jasmine Curtis-Smith mula sa Australia, kung saan, bumalik siya after ng New Year Countdown ng TV5 para makasama ang pamilya sa Bagong Taon. Sinulit nito ang bakasyon para makasama ang ina, kapatid kasama si Anne Curtis at relatives dahil matagal uli siyang makakabalik sa Australia.
Kahit may kontrobersya, maganda ang 2014 kay Jasmine sa personal niyang buhay at career. May mga isyung hindi totoo na ipinukol sa kanya, pero nakaya niya and for 2015, alam niyang makakaya niya anupamang isyu ang dumating.
Sabi ni Jasmine sa interview bago pa siya umalis ng bansa, hindi pa niya magagawa ang Tagalog adaptation ng My Fair Lady, uunahin niyang gawin sa TV5 ang dance show nila ni Tom Taus na Move It. More on street dancing ang concept nito at pilot sa January 25, Sunday.
Muli ring itatampok si Jasmine sa Wattpad series ng TV5 sa episode na House Full of Hunks kasama si Vin Abrenica at iba pang talents ng station. Hanggang 2016 pa ang kontrata niya sa network, kaya malabo ang tsikang lilipat siya sa ABS-CBN this year na para makasama ang kapatid na si Anne.
Malapit na rin ang showing ng horror movie niya sa Regal Entertainment na Mara, kasama sina Isabelle Daza at Paulo Avelino. May cameo rin siya sa isang big movie na hindi binanggit at kahit clue, hindi nagbigay.
Lovi at Rocco nagpa-practice nang mag-alaga ng baby
Balik sa pagwu-workout si Lovi Poe, pero mas intense ang workout niya ngayon dahil may kasamang boxing. Sa Elorde Gym sa may Ortigas Center na co-owner ang boyfriend niyang si Rocco Nacino, kaya kahit malayo sa house niya, doon siya naggi-gym.
Paghahanda kaya ito ni Lovi sa balitang may big movie project siyang gagawin this year? Epic movie ito, pero ayaw pang maglabas ng detalye ang producers at ang management company ng aktres, tila gugulatin tayo.
Isa pang gustong gawin ni Lovi this year ay mag-concert sa birthday niya sa February 11 at isabay na rin ang 10th anniversary niya sa showbiz. Intimate concert ang gusto ng aktres at kung saan, magi-guest ang close friends niya from the industry.
Samantala, going strong ang relationship nina Lovi at Rocco at madalas magkasama. Dagdag na bonding ng dalawa ang pamangkin ni Lovi na kung minsan, sabay nilang inaalagaan ng nobyo. Ang biro sa kanila, tila nagpapraktis nang mag-alaga ng baby.
Kasalang Aiza at Liza invited pati pets
Bukas na ang second at Philippine wedding nina Aiza Seguerra at Liza Diño sa may Batangas. Beach wedding ito at nakasulat sa DIY invites na after the wedding, kasunod ang dinner, singing, enthusiastic dancing, and a lot of kissing.
Kung sa kasal nina Dingdong Dantes at Marian Rivera bawal ang color white sa invited guests, sa kasal nina Aiza at Liza, bawal ang black. Bawal din sa male guests ang shorts, sando, at ball caps. Sa female guests, bawal ang heels, ball gowns, at shorts.
Ang maganda, welcome ang pets ng invited guests dahil sabi ng mga ikakasal, pamilya rin sila. Pero bawal sa pets ang naka-gowns, tuxedo, casual shirts, at birthday suit. Hahaha!
Sa last minute, nag-panic si Liza dahil malaki ng two inches sa kanya ang Jenny Packham wedding gown na binili. Mabuti na lang at tinulungan siya ng designer na si Kaye Morales, in-alter ang wedding gown.
Jackie Rice biglang inilantad ang karelasyon
Si Jackie Rice ang female counterpart ni Luis Alandy sa Second Chances na may special participation at sa pilot week lang yata lalabas. Kung si Luis ang gaganap na namatay na asawa ni Jennylyn Mercado, si Jackie naman ang namatay na asawa ni Raymart Santiago.
Kundi kami nagkakamali, first primetime soap ni Jackie ang Second Chances at tuwing nai-interview, laging sinasabing gusto niyang mapasama sa primetime soap, nang dumating naman, hindi full length ang labas niya.
Napansin pala naming open na si Jackie na i-post ang picture ng BF niya sa Instagram (IG). Dati, ni pangalan ng nobyong si Andrew Lopez ay ayaw banggitin pero ngayon, bukod sa banggit ng pangalan marami ring pictures sa IG niya ang BF na isa palang chef.
- Latest