Powerhouse magbibigay sa bahay ng mga lolo’t lola
MANILA, Philippines - Bago matapos ang taon, isang tahanan ang bibigyan ng aguinaldo ng Kapuso program na Powerhouse – ang Tahanan ni Maria sa Cavite.
Ang Tahanan ni Maria ay nagsisilbing kanlungan ng mga matatanda simula noong 1996. Kalahating ektarya ang lawak nito at may 30 lolo at lola ang inaalagaan dito. Ngunit ang misyon nila na magbigay ng serbisyo sa mga may edad ay nalilimitahan dahil sa kanilang pasilidad. Luma na kasi ang ilang kagamitan at sira na ang ilang bahagi ng kisame ng kanilang tahanan.
Kaya ngayong Pasko at Bagong Taon, mangangaroling ang Powerhouse at kakatok sa pinto ng ilang kilalang personalidad na may mga mabubuting kalooban.
Ano kaya ang naghihintay na aguinaldo sa mga lola at lola sa Tahanan ni Maria? Huwag palalampasin ang special episode na ito ng Powerhouse, ika-31 ng Disyembre, 4:35 ng hapon sa GMA 7.
- Latest