Bet ng Bayan semi-finals magsisimula na
MANILA, Philippines – Pahigpit na ang labanan ng mga talento sa pinakamalawak na reality talent search ng Kapuso Network na Bet ng Bayan (BNB).
Matapos suyurin ng BNB hosts na sina Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid at Kapuso prime leading man Alden Richards ang buong Pilipinas, unti-unti nang makikilala ng mga manonood ang kikilalaning Bet sa Kantahan, Bet sa Sayawan, at Bet sa Kakaibang Talento dahil magsisimula na ang semi-finals showdown.
Ngayong Linggo (Disyembre 7), unang sasabak sa semi-finals leg ng BNB ang mga pambato ng Luzon.
Sa Bet sa Kantahan, kaninong boses kaya ang mas pakikinggan? Ang Pangasinan Power Belter na si Renz Robosa o ang Batangas Diva na si Katherine Castillo? Tubong San Carlos City, Pangasinan si Renz at beterano na sa mga singing contests. Si Katherine naman ay mula sa Tanauan City, Batangas at scholar ng kanilang eskwelahan.
Asahan naman ang matitinding dance moves mula sa Boyz Unlimited, ang Bet sa Sayawan ng Northern Luzon. Talaga namang ipinagmamalaki nila hindi lamang ang kanilang samahan kung hindi pati na rin ang kanilang experience na tanghaling back-to-back champion sa hip-hop dance competition sa Australia. Magawa kaya nilang mapatumba ang makakalabang grupo na UNEP Dance Club? Sila ay tubong Iriga City, Camarines Sur. Bukod sa galing nila sa pagsasayaw, taas noo ring ipinagmamalaki ng buong grupo ang pagiging scholars nila sa University of North Eastern Philippines.
Contortionist versus Ventriloquist naman ang magiging labanan para sa Bet sa Kakaibang Talento. Mula sa Tuba, Benguet, abangan ang magiging performance ni Jason Ivan Sobremonte. Kilalanin rin ang kanyang magiging kalaban na si John Kim Belangel na bukod sa pagiging isang puppeteer ay marunong din siyang kumanta.
Abangan ng mga Kapuso ngayong Linggo sa Bet ng Bayan na mapapanood pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA.
- Latest