Darryl Shy, bida sa filmeo ni Joyce Bernal
MANILA, Philippines - Love story na tagos sa puso at swak sa mga hopeless romantic na Pinoy ang bagong obra maestra ng veteran blockbuster movie director na si Bb. Joyce Bernal. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi pelikula ngunit isang music video na mala-pelikula ang kalidad ang nilikha niya para sa carrier single ng folk-pop maestro ng Star Music na si Darryl Shy.
Ang film-like music video o “filmeo” ng revival ni Darryl ng Ang Pag-ibig Kong Ito ay pagbibidahan ng award-winning actor na si Alex Medina na gaganap bilang isang lalaking binuo, ngunit kalaunan ay winasak ng kanyang minamahal. Ang konsepto ng filmeo ay mula sa Star Music head na si Roxy Liquigan at sa misis ni Darryl na si Anne Angala-Shy. Katuwang ni Direk Joyce sa paglikha ng filmeo ang co-director niyang si Victor Villanueva. Tampok din dito ang mga kapwa contestant ni Darryl sa The Voice of the Philippines Season 1 na sina Paolo Onesa, MJ Podolig, at RJ Pangilinan.
Ayon kay Darryl, ang filmeo ng Ang Pag-ibig Kong Ito ay parang isang family affair na pinamumunuan ng direktor na kaibigan at mismong abay sa kasal ni Darryl at ng kanyang misis na si Anne Angala-Shy.
“Ginawa ang music video ng mga taong malapit sa amin, mga kaibigang parang kapamilya na. Mula concept, casting hanggang shooting, kami-kami nag brainstorm at nag-execute,” ani Darryl kaugnay ng kanyang filmeo na unang mapapanood sa MYX channel sa Miyerkules (Nobyembre 26).
Positibo ang resident country singer ng Star Music, na kilala rin sa music industry sa kanyang pagiging makabayan, na sa pamamagitan ng kanyang record label ay maibabahagi niya ang kanyang musika sa mundo.
“Gusto sana namin na maabot lahat--mga nakikinig ng radyo, nanonood ng TV, mga nasa Internet--kahit sino at kahit saan,” pahayag ni Darryl na kamakailan ay naglunsad ng kanyang self-titled, five-track debut album sa ilalim ng Star Music.
“Ang album at ang music video ko ay paraan ng aking pasasalamat sa mga tunay na sumoporta at nagtiwala sa akin mula ‘The Voice’ noong nakarang taon, at sa mga patuloy na sumusuporta ngayon,” aniya.
Mabibili pa rin ang album ni Darryl sa record bars nationwide sa halagang P199 lamang. Ang digital tracks nito ay maaaring madownload sa iTunes,Mymusicstore.com.ph, at Starmusic.ph.
Ang exclusive premiere ng Ang Pag-ibig Kong Ito filmeo ni Darryl sa Miyekules, 6 p.m. sa MYX SkyCable channel 23.
- Latest