Beking manager lang ang nakakabali hunk actor inaayawan ng mga nakakarelasyon dahil sa mga kondisyones sa buhay
Sa pagkukuwento ng mga impormanteng may malalim na kaalaman tungkol sa pakikipagrelasyon ng isang hunk actor ay lumalabas na ang pagiging masungit ng nasabing aktor ang dahilan kung bakit walang tumatagal na babae sa kanya.
Marami kunong kondisyones ang hunk actor sa pakikipagrelasyon, disiplina ang tawag niya du’n, kailangang sundin ng babae ang mga pinaiiral niyang alituntunin (alituntunin, may ganu’n?) para sila magkasundo.
Mahigpit siya sa oras. Kapag sinabi niyang alas dose, kailangang dumating sa eksaktong oras ang girlfriend niya sa lugar na pinagkasunduan nila, dahil kung hindi man siya umalis ay galit siya kapag dumating nang late ang kanyang karelasyon.
Kuwento ng aming impormante, “Kahit sa house niya, maraming rekotitos ang lalaking ‘yun. Kapag natutulog siya, kahit may rebolusyon na, walang puwedeng gumising sa kanya. Naka-silent din ang lahat ng gadgets niya.
“Naglalagay rin siya ng babala na do not disturb sa pintuan niya, ano’ng sinabi ng hotel sa bedroom niya, di ba naman? Kaya kahit girlfriend pa niya ang dumating, hindi kakatukin ng maid niya ang room, magagalit si sir!
“Hanggang tulog pa siya, waiting lang sa sala ang girlfriend niya. Bawal kasi siyang gisingin, talagang magwawala siya, lalo na kung umaga na siyang nakauwi mula sa taping or shooting,” kuwento ng aming source.
‘Yun pala ang dahilan kung bakit papalit-palit ng girlfriend ang hunk actor, maganda ang relasyon sa simula, pero sa wala rin ‘yun nauuwi.
Masyado raw kasing metikuloso ang hunk actor, maraming bawal sa kanilang relasyon, pero heto ang nakakalokang parte ng kuwento.
Pagdidiin ng aming impormante, “Isang tao lang ang makababali sa utos ng hari. Ang beki niyang manager. Siya lang ang puwedeng pumasok sa kuwarto habang natutulog ang alaga niya.”
Ubos!
Pacman nangakong mag-iingat sa Lucky Punch
Nagdarasal na ngayon pa lang ang ating mga kababayan na sana, sa darating na laban ni Congressman Manny Pacquiao, ay matapos ang laban na siya ang nakatayo at ang kanyang kalaban ang nakadapa-nakatihaya sa ring.
At bukas nang gabi ay maaasahan na ang kaluwagan ng mga kalye, siguradong walang trapik, dahil nakatutok sa laban nina Pacman at Chris Algieri ang mga motorista at mananakay.
Umaasa rin ang Pambansang Kamao na mapapanagumpayan niya ang laban, pero hindi niya iniaalis ang posibilidad ng lucky punch, ‘yun daw ang kailangan niyang pag-ingatan sa pakikipagsalpukan niya kay Algieri.
Natural lang na nakahanda na rin ang mga prayer warriors ni Mommy Dionisia, sinsero ang kanilang dalangin na sana’y manalo si Pacman at sana rin ay walang anumang masamang mangyari sa kanya, pati na sa kanyang katunggali.
Minsan pang patutunayan ni Cong. Pacquiao na ibang-iba ang bangis ng Pinoy. Gusto niyang magtagumpay hindi lang para sa kanyang sarili kundi para sa ating bayan.
Oo nga naman. Para ang Pilipinas ay mapag-usapan naman sa iba-ibang bansa na positibo ang paksa. Masyado nang talamak ang mga kuwento ng graft and corruption at kabagalan ng ating gobyerno sa pagtulong sa mga biniktima ng bagyong Yolanda.
Para maiba naman. Para maganda naman. Para positibo naman.
- Latest