ABS-CBN president at CEO Charo Santos-Concio tumanggap uli ng Gold Stevie Award
MANILA, Philippines – Iginawad kay ABS-CBN president at CEO Charo Santos-Concio ang Gold Stevie Award sa kategoryang Female Executive of the Year in Asia, Australia or New Zealand sa prestihiyosong Stevie Awards for Women in Business sa New York noong Biyernes (Nov 14).
Ang Stevie Awards for Women in Business umano ang nangungunang business awards program na kumikilala sa mga babaeng negosyante, executive, empleyado, at mga organisasyon na pinamamahalaan nila. Lahat umanong indibidwal at organisasyon, pampubliko man o pribado, maliit o malaki, ay maaaring magpadala rito ng mga nominasyon. Ngayong taon, nakatanggap daw ito ng entries mula sa 22 na bansa sa mundo.
“Ibinabahagi ko ang parangal na ito sa mga kapwa ko Pilipino at sa pamilya ko sa ABS-CBN na walang sawang naglilingkod sa mga Pilipino saan man sa mundo at tumutulong sa mga nangangailangan,” pahayag ni Santos-Concio sa isang press statement.
Naging basehan ng parangal kay Santos-Concio ang kanyang epektibong pamamahala sa Kapamilya Network sa maraming taon, ang pamamayagpag nila sa TV ratings, pagtaas ng kita ng kumpanya, pagtabo sa takilya ng mga pelikula ng Star Cinema, ang pagtanggap ng kumpanya ng mataas na credit rating para sa bond offering nito, paglulunsad ng mga bagong negosyo gaya ng ABS-CBNmobile, theme park na Kidzania Manila, at ang TV home shopping channel na O Shopping, at pagtulong nila sa mga naapektuhan ng lindol sa Bohol, gulo sa Zamboanga, at bagyong Yolanda, at ang matagumpay nitong 60th anniversary celebration.
Masusi umanong pinili ang mga nanalo sa Stevie Award ng higit sa 160 na executives sa buong mundo na naging bahagi ng judging process.
Una nang nagwagi si Santos-Concio bilang Woman of the Year para sa lahat ng mga bansa sa Asia-Pacific (maliban sa Australia at South Korea) sa 2014 Asia-Pacific Stevie Awards nitong Mayo. Pinangalanang din siyang Asian Media Woman of the Year ng ContentAsia, isang nangungunang publication na pinagkukunan ng mahahalagang impormasyon tungkol sa entertainment media industry sa buong Asia-Pacific.
Pangarap na White Christmas nasa Star City lang pala
Ang White Christmas ang pinakamalaking hit na recorded Christmas song simula nang awitin iyon ni Bing Crosby, pero ito ay nananatiling pangarap/ilusyon na lamang para sa ating mga Pinoy dahil wala namang snow dito. Pero ngayon, maaaring magkaroon ng katuparan ang pinapangarap nating White Christmas sa Snow World sa Star City.
Puwedeng-puwede kayong maglaro sa tunay na snow, o magpahinga sa loob ng isang log cabin sa tabi ng isang fire place. Maaari rin kayong makipag-swing kasama si Santa Claus sa snow, o masalubong si Santa Claus na nakasakay sa isang sleigh na gawa sa yelo na hinihila rin ng mga reindeers na gawa sa yelo. Maaari rin ninyong panoorin habang bumababa si Santa Claus gamit ang isang lubid para maihatid sa mga bata ang kanyang mga regalo.
Yup, Paskung-pasko na sa Snow World. And take note, totoong snow ang makikita ninyo ha.
Puwede kayong maglaro sa snow, gumawa ng sarili ninyong snow man, at magpadulas sa pinaka-mahabang man made ice slide sa buong mundo ngayon.
Makikita rin ninyo ang mahigit na 250 ice figures na nilikha ng mga kinikilalang mga Pilipinong artisans na ilalaban ng Snow World sa world championship na gaganapin sa Alaska sa darating na Pebrero.
Ang Snow World ay bukas Lunes hanggang Huwebes mula alas-4:00 ng hapon, at mula alas-dos ng hapon kung Biyernes hanggang Linggo. Kaya go na.
Iilan lang nakaka-afford na makaranas ng White Christmas. ‘Yun lang mayayaman na nagpupunta sa ibang bansa pag panahon ng Kapaskuhan. Eh meron naman pala rito sa atin.
- Latest