Ejay Falcon bumalik ng kulungan!
Kung inaakala ng manonood na palalampasin ng mga nasa likod ng pangunahing drama anthology ng bansa, ang Maalaala Mo Kaya na hindi makapagbigay ng isang natatanging kuwento tungkol sa naging kaganapan na dala ng pinakamalaking bagyo na naganap sa buong mundo at tumama sa ating bansa, lalo na sa Kabisayaan, ay nagkakamali tayo. Ilang araw lamang makaraan ang Yolanda ay tumulak na ang mga researcher ng MMK para mangalap ng kuwento na magagamit sa show.
Sa rami ng kuwento na natagpuan ng programa na ang karamihan ay tungkol sa pagkawala ng mga mahal sa buhay, kabuhayan at pag-asa, nangibabaw ang likas na kabutihang loob ng mga Pilipino at ang paglaban nito para makabangon.
Ang kuwento ng isang preso sa Tacloban na nagngangalang Jomar at ginagampanan ni Ejay Falcon ang umakit sa pansin ng mga naghahanap ng magandang kuwento.
Noong mawasak ng Yolanda ang isa sa mga gate ng kulungan na kung saan ay nakakulong si Jomar, ang una nitong naalala ay ang kaligtasan ng kanyang pamilya. Lumabas ito para hanapin at iligtas sila. Sa kasamaang palad, kabilang sa mga naging biktima ang kanyang ina at tatlong kapatid.
Sa kabila ng kanyang pagluluksa nangibabaw sa preso ang pagmamahal sa mga kaanak. Muli niyang binuo ang kanilang buhay. Gumawa siya ng paraan para mabigyan niya sila ng disenteng libing. Dahil sa likas na kabutihang loob, hindi inabuso ni Jomar ang kalayaang natamasa niya dahil sa trahedya. Matapos mailibing ang kanyang pamilya, sumuko siya at bumalik ng kulungan.
Inamin ng direktor ng episode na si Garry Fernando na nahirapan siya sa recreation ng actual scene ng pagragasa ng Yolanda. Hindi man sa actual na lugar na naganap ang trahedya ito kinunan kundi sa Cavite, pero lahat ng makakapanood ng episode ay makukumbinse na sa Tacloban kinunan ang mga eksena. Para magawang authentic at realistic ang mga eksena, medyo lumaki ang budget. Katumbas ng tatlong episode ng MMK ang mapapanood sa Sabado ng gabi, Nob. 15. Inabot ng apat na araw ang naging taping ng episode na usually ay dalawang araw lamang na trabaho ang isang gabing palabas.
Bahagi ng special MMK, episode sina JB Agustin, Sharmaine Arnaiz, Lito Pimentel, Art Acuna, Boom Labrusca, Erin Ocampo, Casey da Silva, Veyda Inoval, Patricia Coma, Angelou Adlao, Jhiz Deocareza, Sofia Millares, Althea Guanzon, Nico Antonio, Roy Recuejo, Gerard Acao, at Michael Roy Jornales. Ginawa ang kuwento nina Joan Habana at Arah Jell Badayos. Si Malou Santos ang pinuno ng business unit at creative manager si Mel Mendoza-del Rosario.
Carmen Soriano naiba na ang landas kesa kay Pilita
Aba, buti na lang at nakuha ni Carmen Soriano ang role ng isang lola sa The Half Sisters, napahaba ang kanyang stint sa TV. Sa mga kasalukuyang episode, sa kanila nakasentro ni Barbie Forteza ang kuwento having separated from their family na hindi mo alam kung buhay pa o dead na ang anak niya at gumaganap na ama ni Barbie na si Jomari Yllana. May senyales na magkakaroon ng problema ang maglola at kung malalampasan nila ito bago pa sila mahanap ng ina ni Barbie na ginagampanan ni Jean Garcia na pinagpapala ng isang mayamang donya na ginagampanan ni Gloria Romero ay nagbabadya ng mahaba-haba pang kuwento.
Speaking of Carmen, tinalikuran na ba niya ang pagkanta niya? Kung si Pilita Corrales ay aktibung-aktibo pa hanggang sa ngayon, walang dahilan para hindi tumanggap ng mga singing stints ang isa sa pinakamagaling at pinakamagandang singers nung kapanahunan niya.
- Latest