Hairdresser na dating inaapi naging award winning at yumaman
MANILA, Philippines – Isang award-winning na hairdresser at hair expert si Nikki Bacay na ngayo’y may-ari na ng ilang high-end salons sa bansa. Ngunit bago niya nakamit ang karangalan at kayamanan, pinagtawanan at inapi siya sa kanilang probinsiya sa Mindoro dahil sa pagiging bakla.
Tunghayan kung paano nalagpasan ni Nikki ang mga pagsubok sa buhay upang maabot ang tagumpay mula kay Karen Davila ngayong Miyerkules (Oct 22) sa My Puhunan.
Pinanganak man sa katawang lalaki, bata pa lamang ay alam na ni Nikki na mayroon siyang pusong babae. Itinago niya ito sa kanyang pamilya, ngunit nalaman rin ito pati ng kanyang mga kaklase. Naranasan niyang ma-bully sa eskwelahan at bugbugin ng kanyang mga kuya.
Upang matakasan ang kanyang masamang karanasan, nakipagsapalaran si Nikki sa Maynila. Nagtrabaho siya bilang ‘boy’ upang makatapos ng high school.
Napadpad din siya sa Olongapo kung saan niya natagpuan, hindi lamang ang pagtanggap sa kanyang kasarian, kundi maging ang oportunidad upang maging isang professional hairdresser.
Ngayong Martes, (Oct 21) naman sa Mutya ng Masa, ilalahad ni Doris Bigornia ang mga naging karanasan ng ilang taong gumaling sa kani-kanilang karamdaman sa pamamagitan ng paglublob sa umano’y milagrosong tubig ng Turumba Pool. Masisilayan din ang bonding moments ng top 30 na semi-finalists ng Mutya of the Universe search ng programa para sa best kasambahay.
Tutukan ang My Puhunan ngayong Miyerkules (Oct 22) at Mutya ng Masa bukas (Oct 21), 4 p.m. sa ABS-CBN.
- Latest