Pero ibang klase ang ginawang drama Team Pinay World Champs Luz McClitton at Gretchen Albaniel, laglag na sa TARP2
MANILA, Philippines – Ang world-renowned female body builder na si Luz McClitton at International Women’s Boxing Champ na si Gretchen Albaniel ng Team Pinay World Champs ang ikalawang natanggal sa The Amazing Race Philippines – Season 2.
Sa nangyaring pit stop eliminations noong nakaraang Sabado, nag-unahan ang natitirang 10 teams mula sa Canyon Cove Resort sa Nasugbu patungo sa pit stop sa Basilica de San Martin de Tours sa Taal, Batangas na nagsilbing pit stop para sa second leg ng karera. Ang team Dating Couple na sina Matthew Edwards at Phoebe Walker ang unang nakarating sa pit stop na siyang nagpanalo sa kanila ng 200,000 cash prize mula sa Shell V Power Nitro Plus. Samantala, huli namang dumating ang team Pinay World Champs na sina Luz at Gretchen kaya naman automatically ay natanggal na sila sa Race.
Sobrang pinag-usapan sa social media ang nasabing episode dahil na rin sa naging maaanghang na palitan ng mga salita nina Chen at Luz. Tinawag ni Luz ang team mate niyang si Chen na dominante at bossy samantalang tinawag naman ni Chen si Luz na tamad.
Nag-react ang fans sa iba’t ibang panig ng mundo at tinawag nga ang episode na “most shocking at most controversial pit stop episode ever ng The Amazing Race”. Sinabi din ng US-based website na DryedMangoez.com na “this episode made history.” Ayon sa editor ng website, never daw niyang napanood ang ganitong klaseng drama sa 14 years nilang pagtutok sa buong The Amazing Race franchise.
Sa huli, ibinalita ng TV5 na hindi pa nag-uusap sina Chen at Luz matapos ang kanilang pagkakatanggal mula sa karera. Matatandaang mag-isang humarap si Luz sa presscon ng The Amazing Race Philippines –Season 2 last September 22 at mag-isa ring humarap si Chen sa viewing party para sa parehong programa noong nakaraang October 3. Sa mga naunang interview, matatandaang nais manalo ni Luz sa TARP para sa kanyang anak samantalang pangarap naman ni Chen ang makapagpatayo ng sarili niyang gym para sa mga future world champions ng bansa.
Agaran namang nagpahayag ang Kapatid network ng hangarin nitong magbati ang dalawa sa darating na panahon.
Samantala, tuloy na tuloy pa rin ang mga exciting episodes ng The Amazing Race Philippines na mapapanood na sa TV5 sa bago nitong timeslot, 9 p.m. gabi-gabi simula mamaya na susundan naman ng Wattpad Presents.
- Latest