Nagbebenta ng kung anu-ano para matustusan ang bisyo Young actor nasayang ang guwapo at talento, nawalan na ng trabaho sa kapraningan
Sinayang ng isang young actor ang maganda sanang kapalarang naghihintay sa kanya dahil hindi lang naman siya guwapo kundi armado pa ng talento sa pag-arte.
Sa network na pinagtatrabahuhan niya ay namumukod-tangi ang galing niya sa pagganap, hindi siya namimili ng role, kahit anong papel ang ibigay sa kanya ng produksiyon ay nabibigyan niya ng hustisya.
Pero mahina sa kaway ng bisyo ang batang aktor, sa kanilang lugar ay lantad na lantad ang mga ginagawa niyang kalokohan, hanggang sa maapektuhan na ang kanyang career.
Sa isang show kung saan isa siya sa mga kinuhang artista para magpasaya sa ating mga kababayan ay nangulit ang young actor. Kinukuwestiyon niya ang namamahala sa sound system, bakit daw ganu’n, habang kumakanta raw siya ay parang ang dami-dami niyang kasabay sa pagkanta?
“Napapraning na siya, hindi na niya alam kung ano ang mga pinaggagagawa niya, meron na siyang naririnig na mga boses kahit wala naman,” napapailing na kuwento ng aming source.
Sa isa namang madramang tagpo sa isang teleserye ay ganu’n din ang kanyang ginawa habang kinukunan ang mga eksena. Binago niya ang mga dialogues, nagmura siya nang nagmura, ikinaloka ‘yun ng kaeksena niyang magaling na beteranang aktres.
“Ligaw na ligaw sa batuhan ng dialogues ang kaeksena niyang veteran actress, may nagbubulong daw kasi sa kanya na ganu’n ang sabihin, napakaganda pa naman sana ng eksenang ‘yun dahil nag-iiyakan sila nu’ng magaling na veteran actress,” dagdag na kuwento ng aming source.
Sayang na talento. Sayang na magandang kapalaran. Dahil sa bisyong hindi niya kinayang tanggihan, ngayon ay halos wala na siyang trabaho sa network, madalas siyang makita ngayon sa kanilang lugar na nagbebenta ng kung anu-anong kagamitan para matustusan ang kanyang bisyo.
Tunog-banyaga ang pangalan ng young actor na ito.
Sikat na artista ayaw tumulad sa pagiging mapagpatol nina Sharon at Lea
Totoong may kalupitang magbitiw ng mga salita ang mga bashers. Napakadali naman kasing gawin nu’n dahil hindi naman sila kilala nang personal ng artistang pinagtitripan nilang alipustahin sa social media.
Kapag hindi mo kilala ang personalidad ay napakadaling manghusga, lalo na’t nagtatago pa sa ibang alias ang namba-bash, kawawa talaga ang mga personalidad na paboritong windangin ng mga taong walang magawa sa buhay.
May mga artista namang mapagpatol. Para bang mababawasan na ang kanin sa kanilang pinggan kapag hindi nila ginantihan ang mga bashers, lalo tuloy silang pinupupog ng mga salitang hindi halos nila makain.
Sumablay na du’n si Sharon Cuneta, si Charice Pempengco, si Luis Manzano, si Lea Salonga at marami pang ibang artistang naging balat-sibuyas sa mga komentong tinatanggap nila.
At maiintindihan din naman natin ang mga artistang sumasagot-pumapatol, kapag ubos na ubos na nga naman ang baon mong pasensiya ay talagang maaapektuhan ka na, makikipag-argumento ka na sa tao kahit hindi mo pa kilala.
Sabi ng isang sikat na artistang nakakuwentuhan namin nu’ng minsan, “I also read reactions, but I choose my battles. The decision is nice, not theirs. It’s a big waste of time. Imagine, having fight with people you don’t even know?
“Akin ang choice. Now, if they will come up to me face to face, I’ll give them my time, papatulan ko sila dahil hindi na multo ang kalaban ko,” sabi nito.
Puwede!
- Latest