Snow ghost dinala sa Star City
MANILA, Philippines - Halloween na sa Snow World Manila, at dahil diyan ibinabalik nila ang isang traditional Japanese belief tungkol sa Yuki Onna, o snow ghost. Sa kanilang tradisyon, sinasabing ang Yuki Onna ay kaluluwa ng isang babaing namatay sa isang snow storm, at kung may snow storm, lumilitaw siya para matulungan ang mga taong maaaring mapahamak sa kalamidad. Sa kanilang tradisyonal na kuwento, iyong Yuki Onna ay una raw lumitaw para sabihan ang kanyang asawa na balikan ang tatay niyang naiwang mag-isa sa kanilang tahanan na natatabunan na ng snow.
Bukod tangi ang kanilang kuwento tungkol sa isang snow ghost at iyon naman ang inilagay ngayon ng Snow World.
Bukod sa Yuki Onna, mayroon din kayong makikitang zombies, may biglang lilitaw na ulong pugot, at mula sa talaksan ng snow ay magugulat kayo sa biglang paglitaw ng isang zombie. Lahat naman ng mga iyan ay hindi inilagay bilang panakot kung di bilang katuwaan lamang sa Halloween. Sinasabi nga ni Thomas Choong na siyang inventor ng kanilang snow machine, na ang Snow World ay nananatiling isang attraction para sa buong pamilya, lalo na nga sa mga bata na gustong makaranas ng snow, kaya hindi dapat na gawing nakakatakot talaga ang attraction kahit na Halloween.
Mayroon na rin kayong makikitang isang log cabin na may fireplace kung saan kayo maaaring magpahinga o magpa-picture sa loob mismo ng Snow World.
Ang Snow World ay bukas araw-araw mula alas kuwatro ng hapon kung weekdays, at mula alas dos ng hapon kung weekends, sa Star City.
- Latest