Misis ng sikat na male personality maramot at maisip sa mga kaibigan ng asawa pero buhos-biyaya sa mga kamag-anak
May pangalang ibinigay ang mga miron sa misis ng isang sikat na lalaking personalidad. Tawagin na lang natin siyang “Dovie”. Bagay na bagay raw kasi ang bansag na ‘yun kay misis dahil palagi siyang nakabuntot-nakatingin sa lahat ng kilos ng kanyang mister.
Kapag may mga dumarating na kaibigan ang kanyang mister ay agad nang nakatanghod sa kanila si misis. Inaabangan kasi niya kung magkano ang iaabot ng kanyang asawa sa mga taong nagdatingan sa kanilang bahay.
Kahit antok na antok na raw si misis ay ayaw pa niyang matulog, tinitiis niya ang kahihikab, huwag lang makalusot sa kanya ang paghahatag ng datung ng mister niya sa mga bisita nito.
Kuwento ng aming source, “Lalo na kapag mga goons ang nagpupunta sa kanila, nakabantay talaga si ____(pangalan ng misis ng sikat na male personality). Nakaabang siya, palaging nakatingin, inaalam niyang mabuti kung magkano ang iniaabot ng mister niya sa mga goons,” sabi nito.
Pero saan ka, kung gaano siya karamot sa mga kaibigan ng kanyang mister ay ganu’n naman siya kaluwag sa kanyang mga kadugo, pinapupunta niya ang mga ito sa kanilang bahay kapag nakaalis na ang kanyang asawa.
Kuwento uli ng aming impormante, “Napaka-generous niya sa mga kamag-anak niya, may malice ang pagtulong ng babae, kasi, kung kailan wala na sa house ang husband niya, e, saka niya pinapupunta ang mga kapamilya niya.
“Para siyang pulitiko sa kabibigay sa mga kadugo niya, kulang na lang na pati bigas nila sa pantry, ipamigay na rin niya! Ubos-ubos ang kabuhayan nila kapag mga kamag-anak niya ang nandu’n!” dagdag na impormasyon pa ng aming source.
Nga pala, ang bansag na Dovie ng mga miron para sa misis ng sikat na lalaking personalidad ay hinango mula sa pangalan ng isang malaking aso, doberman.
Ubos!
Grace Lee matapang at walang sinasanto pagdating sa trabaho
Sa lahat ng news anchors ng TV5, huwag nating isama sa bilang ang kanilang hepe na si Ms. Luchi Cruz-Valdes, ay si Grace Lee ang may pinakamatalim na dila.
Suwabe lang ang kanyang atake, parang mahinahon lang siyang magbitiw ng mga salita, pero kung ikukumpara mo siya sa kanyang mga katrabaho ay pakakainin niya ng alikabok sa pagiging diretso ang mga ito.
Matapang ang Koreanang ito, hindi uso sa kanya ang salitang pass, lahat ng paksang tinatalakay nila sa Aksyon Sa Umaga nina Lourd de Veyra at Martin Andanar ay buong-tapang niyang inoopinyunan.
At tama ang linya ng kanyang pag-oopinyon, hindi siya sumasablay, kung ano ang sa palagay niya’y tama ay pinaninindigan niya.
Pati ang pamumuno ng dati niyang karelasyon ay pinupuna ni Grace Lee, wala rin siyang sinasantong pulitiko, bukod sa masarap na siyang panoorin dahil maganda siya ay masustansiya pa siyang tutukan dahil matalino siya.
Palabasa si Grace Lee, hindi siya nagpapaiwan sa mga nangyayari sa buong mundo, alam mong bago siya sumalang sa pagho-host ay nag-review muna siya at nag-research tungkol sa lahat ng napapanahong paksa sa lipunan.
Itim at puti lang ang alam na kulay ni Grace Lee sa kanyang propesyon, walang abuhin para sa kanya, hindi uso sa dalagang ito ang middle ground.
At ganu’n dapat ang mga katangiang meron ang isang news anchor. Matapang, may paninindigan, hindi nagmamaganda lang.
- Latest