Noli, Ted, at Gerry, wagi sa umaga
MANILA, Philippines - Pinagkukunan tuwing umaga ng mga sariwang balita at komentaryo ng karamihan ang DZMM Radyo Patrol Sais Trenta mula sa mga anchor na sina Kabayan Noli de Castro, Ted Failon, at Gerry Baja.
Ayon sa survey mas pinipiling makasama sa umaga ng mga tagapakinig sa buong Mega Manila ang mga programa ng tatlong pinagkakatiwalaang anchor, base sa pinakahuling datos ng Kantar Media Radio Survey noong Mayo. Pagbungad pa lamang ng araw, humahagupit na ang mga komentaryong handa ni Gerry Baja sa Garantisadong Balita’ na nakakuha ng average audience share na 30%.
Nagtala naman ng audience share na 34% ang Kabayan ni Noli de Castro na naghahain ng mahahalagang balita at isyung pag-uusapan sa umaga.
Maaanghang at makabuluhang opinyon ang hatid araw-araw ni Ted Failon sa Failon Ngayon sa DZMM na may audience share na 33%.
Bukod sa paghahatid-balita at komentaryo, nangunguna rin ang DZMM anchors sa pagseserbisyo-publiko sa pamamagitan ng kani-kanilang programa.
Pinangunahan ni Kabayang Noli ang pamimigay ng bags, school supplies at uniforms sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte at Samar, krisis sa Zamboanga at lindol sa Bohol. Ngayong Oktubre, bubuksan ang pitong silid-aralang ipinatayo ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation at programang Kabayan at ang lahat ng gagamiting upuan ay mga donasyong idinaan kay Kabayang Noli. Personal na tutungo si Kabayan sa Leyte para pangunahan ang inagurasyon ng mga silid-aralan.
Higit 5,000 estudyante rin sa mga paaralan sa Leyte ang nabigyan ng pag-asa ni Ted sa pagtanggap ng school supplies at iba pang gamit pang-eskwela. Pinangunahan din niya ang pagpapatayo ng isang playground na gawa sa goma sa San Fernando Elementary School sa tulong ng iba’t ibang sponsors at partners.
Nakatutok naman si Gerry sa kanyang proyektong Garantisadong Bangka. Sa tulong ng lokal na pamahalaan at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, naipamigay noong Hulyo sa mga mangingisda sa Leyte ang mga bangkang de motor na gawa sa fiber glass. May mga bagong set ng bangkang ipamamahagi pa ngayong taon.
Sa lakas ng morning block, nananatili ang DZMM bilang number one AM radio station sa Mega Manila. Nakakuha ito ng average audience share na 30% laban sa 18% ng DWWW, 16 % ng DZBB at 14% ng DZRH noong Mayo.
- Latest