Dahil sa sobrang kasinopan, maiiwan ng aktres kung sakali hindi na kailangang magtrabaho
Maraming dahilan kung bakit hindi mabubura sa mundo na naghihirap ang isang dating sumikat na aktres. Bukod sa magaling siyang magsinop ng kanyang kinikita ay mapanghinayang siya sa mga bagay-bagay na para sa atin ay wala nang halaga.
Nu’ng kanyang kasikatan pala ay meron siyang sinusunod na panuntunan sa paghawak ng kanyang suweldo bilang aktres. Sa piso ay beinte sentimos lang ang kanyang ginagastos, itinatabi niya ang otsenta, ganu’n siya kung magpahalaga sa pinaghihirapan niya.
Nakaipon nang malaki ang aktres dahil matagal na panahon din siyang nagreyna sa kanyang linya, nagnegosyo pa siya, hanggang sa lumago na nang lumago ang kanyang pera.
Kuwento ng aming source, “Nu’ng ginagawa ang mansiyon niya, e, araw-araw siyang nasa site. Hindi puwedeng hindi siya dumalaw sa ipinagagawa niyang bahay dahil binabantayan niya ang mga karpintero.
“Para siyang basurera du’n na pulot nang pulot sa mga nahuhulog na pako. Pinupulot niyang isa-isa ‘yun, ibinabalik niya sa lalagyan, dahil pera nga naman niya ang ipinambibili niya nu’n.
“Ang mga kahoy na puwede pang pakinabangan, iniipon niya rin ‘yun, itinatali-tali niya para kapag kailangan na, alam ng mga karpintero kung saan ‘yun kukunin,” pag-alala ng aming kausap.
Nakapagpundar din ng mga ari-arian ang beteranang aktres sa ibang bansa. Pero hindi lang hanggang du’n ang lahat, nagpapatayo siya at saka nagbebenta ng propyedad, mga Pinoy rin ang kanyang mga kliyente.
“At ‘yung mga karpinterong dinadala niya sa Amerika, pinagsa-sideline niya sa mga pamilyang Pinoy. Pinagtatrabaho niya kapag off nila, pero meron siyang kinukuhang komisyon! Ganu’n siya kagaling sa paghahanapbuhay,” dagdag na impormasyon pa ng aming source.
Masuwerte ang mga maiiwan ng masinop na aktres na ito dahil malaking kayamanan ang kanyang naipon. Sa maiiwanan pa lang ng beteranang aktres ay mabubuhay na nang disente at marangal ang pamilya ng kanyang anak.
Kagustuhan ni Mommy D na mabuntis, nakakaadwa
Naiintindihan ng mas nakararami nating kababayan ang muling pagtibok ng puso ni Mommy Dionisia Pacquiao. Kung ang kanyang mga anak nga ay pikit-mata nang tinanggap ang kanyang pakikipagrelasyon ay sino ba naman tayo para kumontra pa?
Nauunawaan ng marami ang pakikipagmahalan ni Mommy D kay Michael Yamson, mahiwaga talaga ang pag-ibig, walang pinipiling lugar, estado at edad.
Pero sana’y hanggang du’n na lang ‘yun, huwag na sanang maging OA pa ang sitwasyon, huwag na sanang sinasabi pa ng mga taong sangkot sa kuwento ang kagustuhan nilang magkaroon ng anak.
Una, sa edad at kalagayan ngayon ng dakilang ina ng Pambansang Kamao ay mahihirapan na siyang magdalantao. Pananakit na ng mga buto-buto at balakang ang kailangang asikasuhin ngayon ni Mommy Dionisia at hindi ang pagbubuntis.
Hindi naman sa nakakaadwa nang marinig ang pagkagusto niyang magkaanak, libre naman ang pangangarap at walang matrikula, kaya lang ay nakapag-aalala na ang kanyang sitwasyon.
Ilang taon pa at liyebo sitenta na si Mommy D, okey nang maligaya siya ngayon sa piling ng kanyang boyfriend na si Michael, may karapatan siyang lumigaya dahil sa kanyang mga pinagdaanang pagsubok. Pero hanggang du’n na lang sana ‘yun.
Please lang po.
- Latest