Vic Sotto lolo na naman!
MANILA, Philippines - Nadagdagan na naman ang apo nina Vic Sotto at Dina Bonnevie. Kahapon ay ibinalita ni Oyo Boy Sotto sa kanyang Instagram (IG) account na nanganak na ang kanyang misis na si Kristine Hermosa. Nakalalaki sila.
Pinangalanan nilang Kaleb Hanns ang brand new baby boy nilang mag-asawa.
Pangatlong baby na nila ito. Meron silang adopted son at meron na silang panganay na baby boy.
Direk Wenn hindi kayang palampasin ang mga naninira
Sa trailer pa lang, parang mas riot ang pagbabalik sa pelikula ng Moron 5 sa sequel ng 2012 blockbuster na Moron 5 and a Crying Lady, ang Moron 5.2 The Transformation.
Bibida uli sina Luis Manzano, Billy Crawford, Marvin Agustin, DJ Durano, and John Lapus plus nadagdag si Matteo Guidicelli kung saan napunta sa kanyang role na dating ginampanan ni Martin Escudero sa original Moron 5.
Ayon kay Direk Wenn Deramas, mas nakakatawa pa ito kumpara sa original na Moron 5.
Sunud-sunod ang pelikula ni Direk Wenn. Kakatapos lang ipalabas ang Maria Leonora Teresa at ngayon nga ay ito namang Moron 5.2.
Sa December, meron naman siyang Praybeyt Benjamin kaya talagang si Direk Wenn lang ang masasabing pinaka-in demand na director sa kasalukuyan. At in fairness, wala siyang pelikulang sumemplang, lahat box-office. Ito ay kahit na may ilang namimintas sa kanyang gawa. Ayon kay Direk Wenn wala siyang pakialam sa mga namimintas dahil opinion nila ‘yun. Ang ayaw niya ay ang mga taong nangungumbinsi pa na ‘wag panoorin ang pelikula. “’Yung opinion nila ok lang ‘yun. Pero ‘yun sabihin pa nila sa ibang tao at sabihin ‘wag panoorin ‘yun inalisan na nila ng pagkakataon ang iba na panoorin ang pelikula ko,” katuwiran ng magaling na director.
Iilan na nga naman ang pelikula ngayong mainstream, kung sisiraan pa ng iba, ibang usapan na ‘yun.
Showing na sa November 5 ang Moron 5.2 from Viva Films.
Music hall puwedeng venue sa mga sumusubok mag-concert
Mas exciting and colorful na ang nightlife sa area ng Ortigas sa pagbubukas ng The Music Hall (dating The Library) na isa na ngayong full-on live performance place.
Last Wednesday, binuksan na nga ang The Music Hall kung saan nagkaroon ng series of shows at kasama sa nag-perform ang OPM group Freestyle with sexy singer-actress Sheng Belmonte as guest.
Ang two-storey venue ay madaling puntahan dahil malapit ito sa main entrance of dining entertainment hub, Metrowalk, along Meralco Avenue. At ang advantage nila, may sarili silang area for free parking. Parking kasi ang problema sa nasabing lugar, kaya advantage ang maganda nilang parking na katabi lang ng Music Hall.
Ngayong October, meron na silang naka-line up na special shows – Aegis with Jek Manuel (October 15); Southboarder with Sheng Belmonte (October 17); Juris with Jason Farol (October 18); Truefaith with Sheng Belmonte (October 24); and Jinky Vidal with Six Part Invention (October 31.)
Meron ding regular performers na banda – Climax, Crib, Rouge, Maria’s Project, Sabado Boys, and Music Avenue.
May mga mapapanood ding other types of live entertainment. Kasama na rito ang new series from ace stand-up comedian Jon Santos na naka-schedule for November 14, 15, 21, and 22.
Maganda ring concert venue ang The Music Hall sa mga singer na sumusubok mag-concert.
Open na rin sila for private events. For booking and other inquiries, please call 451-1786, 0916-6429114 or 0906-4407029.
H&M magbubukas sa Megamall
Looking forward na ang maraming shopaholic at fashionista sa pagbubukas sa bansa ng H&M fashion store.
Yup, nasa bansa na ang H&M. Ayon sa Wikipedia, nasa 53 countries ang Hennes & Mauritz AB (H&M) na isang Swedish multinational retail-clothing company para sa kalalakihan, kababaihan, bagets at maging pambata.
Sa Hong Kong may malaking branch ang H&M kaya ‘pag nagpupunta doon ang mga kababayan natin, asahan mong may bitbit na plastic ng H&M pagbalik-bayan.
Sa Wednesday, may VIP Party ito sa kanilang kauna-unahang store sa bansa, Mega Fashion Hall, SM Mega Mall. By invitation ito, so hindi pa ito open sa public.
May special guest singer ang H&M na panggulat nila sa mga inimbitang guest.
- Latest